Nagmula man kami sa magkakaibang grupo subalit sa pagkakataong ito ay nagkakaisa kaming manindigan sa pagsuporta sa laban ng PALEA para sa seguridad sa trabaho.
Nagpapahayag din kami ng pagkundena sa desisyon ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na nagbibigay-laya sa PAL sa malawakang tanggalan ng humigit-kumulang 3,000 empleyado. Mapanganib ang desisyong ito sapagkat isinantabi nito ang PAL-PALEA collective bargaining agreement na malinaw na nagsasaad na ipinagbabawal ang contracting-out ng trabaho ng mga regular na empleyado. Binabalewala nito maging ang jurisprudence ng batas na naglalatag ng mga kondisyon sa tanggalan ng mga manggagawa kahit sa mga kompanyang nagsasabing nalulugi.
Ang desisyon ni Baldoz ay magbubukas ng pintuan para sa malawakang kontraktwalisasyon. Maaring ito ang huling pako sa kabaong ng seguridad sa trabaho sa ating bayan.
Kaya naman ito ay di lang isyu ng mga empleyado ng PAL kundi usapin ng mga manggagawang Pilipino. Hindi lang ito pakikibaka ng mga empleyado ng PAL kundi laban ito ng mga manggagawang Pilipino.
Lalakas ang loob ng mga employer, malaki man o maliit, na gayahin ang PAL. Sisibakin ang mga regular na empleyado at papalitan ng mga kontraktwal na manggagawa na mas barat ang sweldo, kapos sa benepisyo, walang seguridad sa trabaho at walang proteksyon ng unyon.
Ang landas ng pag-unlad ng ating bansa ay wala sa baluktot na daan ng kontraktwalisasyon. Magdurusa ang ating bayan kung tayo ay maging isang bansa ng mga kontraktwal.
Nananawagan kami kay Pangulong Benigno Aquino III na baliktarin ang desisyon ni Sec. Baldoz. Hindi pa huli ang lahat para ituwid ng gobyerno ang baluktot.
Ang laban ng PALEA ay laban ng lahat. Ang laban ng lahat ay kontra kontraktwalisasyon.
PALEA- Philippine Airlines Employees Association, FASAP- Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines, ALU- Associated Labor Unions-TUCP, AMLC– Archdiocese of Manila Labor Concerns, APL- Alliance of Progressive Labor, BMP-Bukluran ng Manggagawang Pilipino, CLC- Church Labor Conference, KMU- Kilusang Mayo Uno, MAKABAYAN- Manggagawa para sa Kalayaan ng Bayan, NFL- National Federation of Labor, PM- Partido ng Manggagawa, PMT- Pagkakaisa ng Manggagawa sa Transportasyon, PSLINK- Public Services Labor Independent Confederation, TUCP- Trade Union Congress of the Philippines, TUCP-Congress, Likha-TUCP, UNP- Union Network Philippines, UFSW– Unified Filipino Service Workers, UTWU- United transport Workers Union, UM- Urban Missionaries
8 November 2010
No comments:
Post a Comment