Walang duda na Lubhang napakailap ng hustisya sa mga desaparacidos ng ating bansa. Ang 25 na taong pagdiriwang natin ng anibersyaro ng FIND ang mismong nagpapatunay na sa halip na lumapit ay higit pang nalalayo ang hustisyang noon pa natin hinahanap.
Bukod dito, sa halip na mapawi, ang paglabag sa karapatang pantao sa ating bansa ay nagpapatuloy kundi man higit na lumalala sa ibat-ibang anyo ng paglabag. Hindi ba’t ngayon ding araw na ito ang unang taong anibersaryo ng Maguindanao Massacre, ang maituturing na pinakamalagim na kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng nakaraang rehimen?
Kung hindi lang maagap na natuklasan ang malagim na krimen, ang 58 na biktima ng masaker na ito ay malamang nadagdag lang sa bilang ng ating mga desaparacidos sapagkat tinangka itong itago sa pamamagitan ng maramihang pagbaon sa lupa gamit ang backhoe. Ang imahe ng ganitong pangyayari ay malamang nagpaala sa inyo ng masamang panaginip sa parehong sinapit ng ating mga mahal sa buhay mula sa kamay ng lupit na namamayani sa bansa mula pa noon hanggang sa ngayon.
At bakit ito nagpapatuloy sa kabila ng katotohanang ilang palit nang hinalinhan si Marcos ng mga pinunong nagdeklarang sila’y tagapagtanggol ng karapatang pantao? Bakit nagpapatuloy ang pwersahang pagkawala, extrajudicial killings, masaker at ibat-ibang anyo ng krimen? Bakit nagpapatuloy ang paglabag sa karapatang pantao?
Isa lang ang nakikita naming paliwanag. Ito ang mahinang pagtangan ng estado sa karapatang pantao. O baka nga mas malala pa dahil sa maraming kaso, ang estado mismo ang sangkot sa mga paglabag gaya nang nangyari sa Maguindanao kung saan ang warlordismo ng mga Ampatuan ay may basbas at suportado mismo ng pamahalaan sa anyo ng pulitikal na alyansa at suplay ng mga armas.
At kung nakikita ng iba pang mga warlord sa maraming panig ng bansa na ang karapatang pantao ay balewala sa pamahalaan, hindi nakapagtataka na sila’y maghari sa pamamagitan ng dahas laluna’t sila rin ang may kontrol sa kapangyarihang pulitikal sa maraming lugar. Mas lalo na kung nakikita nila na ang gubyerno ay violator din ng human rights.
Ang violation sa labor rights ay isang malinaw na halimbawa kung paanong ang culture of impunity sa bansa ay sinusuhayan ng opisyal na sanksyon ng pamahalaan. Ang kontraktwalisasyon ay labag sa batas. Pero parang batas trapiko lang ito kung labagin ng mga kapitalista. Lagpas pa dito, ang estado mismo ang nagbibigay laya sa mga kapitalista na ito ay labagin gaya ng nangyayari sa PAL at sa marami pang kompanya.
Kung sa Maguindanao ang ginamit ay backhoe, sa mga manggagawa sa PAL ang ginamit ay Baldozer para imasaker ang di bababa sa 2,600 regular na empleyado. Kung makalusot ang plano ng PAL na sinang-ayunan ni Baldoz -- na gawing kontraktwal ang mga regular na empleyado, sinong kapitalista ang di gagawa nito para tumiba ng tubo mula sa sakripisyo ng mga manggagawa? Wala pa nga ang order ni Baldoz ay laganap na ang paglabag sa labor rights.
Ito ay halimbawa lamang kung paanong ang ang kawalan o kahinaan ng estado sa pangangalaga ng karapatang pantao, sa kabuuang aspeto nito, ang nagiging dahilan kung bakit lubhang napakailap ng hustisya sa ating bansa.
Kaya naman napakahalagang elemento ng ating nagpapatuloy na pakikibaka ang pagkamit ng tunay na kalayaan hindi lamang mula sa kamay ng mga dayuhan kundi’y maging sa poder ng mapang-aliping kapangyarihan sa ating bansa. Naririyan pa rin ang warlordismo, landlordismo, at pang-aabuso ng kapital sa hanay ng manggagawa at mamamayan. Kaya walang hustisya dahil sila ang pamahalaan.
Ganunpaman, naniniwala pa rin kami na bukas, ang hustisya ay tuluyan nating makakamtan hindi sa muling paglitaw ng ating mga desaparacidos kundi’y sa pagsilang ng isang malayang lipunan na dapat nating pagtulungang ipundar. Mabuhay ang FIND!
No comments:
Post a Comment