Salamat sa TRAIN, sabi ng mga economic managers ni Pangulong Duterte. Lumaki ng 20% ang tax collection ngayon lamang kalahati ng taong 2018. Salamat sa TRAIN, tumaas ang take-home pay ng mga nakakaangat na uri sa amin. Salamat sa TRAIN, unti-unti na raw mapopondohan ang build, build, build (BBB) projects ng administrasyon.
Pero may narinig na ba kayong mahirap na nagpasalamat sa TRAIN? Wala dahil mahirap magpasalamat sa bagay na siyang nagpapahirap sa atin. Dahil sa TRAIN ay nagtaasan lahat ng presyo ng bilihin at serbisyo. Kaya’t habang sila ay galak na nagpapasalamat dito, tayo ay namumulubi sa perwisyong dala ng pasaning ito.
Kaya isinagasa sa atin ang TRAIN ay para daw mapondohan ang mga programa ng gubyerno. Pero bakit nawala ang pondo sa pabahay ng maralita? Bakit nabawasan din ang pondo sa edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyo? Dahil ba hindi naman ito problema at ayon kay DBM Secretary Ben Diokno, hindi naman magugutom ang mahihirap kung magsisipag lang?
Balikan natin ang pondo sa pabahay. Sa halagang P2.8B para sa housing sector ay walang bagong pabahay na maitatayo. Halos singlaki lang ito ng P2.5B intelligence fund ni Pangulong Duterte. Kaya’t ang mangyayari ngayon ay may pondo ang HUDCC, HGC at NHA para lamang umandar ang kanilang mga opisina at hindi para magtayo ng mga bagong pabahay.
Dahil daw ito sa bagong sistema ng cash-based budgeting. Ang hindi raw marunong gumastos ng pondo sa loob ng isang taon ay hindi bibigyan ng panggastos. Bilyun-bilyon daw kasi ang hindi nagagastos dahil sa bagal ng implementasyon ng mga ahensya ng gubyerno.
Pero bakit maralita ang magdurusa sa kapalpakan ng mga ahensyang ito? Kung umistambay ang NHA sa programang pabahay, ang mga opisyal dapat nito ang tinapyas hindi ang pondo sa pabahay.
Nang magreklamo ang economic managers sa kawalan ng pondong gagamitin sa pederalismo, ang sabi ng Pangulo sa kanila ay gawan ito ng paraan. Pero sa isyu ng pondo sa pabahay, hindi na nag-iisip ng paraan, diretso agad sa tapyasan. Sa madaling salita, magkakaroon ng pondo para itayo ang bahay ng pederalismo pero sa pantayo ng bahay ng maralita, wala.
Huwag natin itong payagan. Mas malaking pondo para sa pabahay at iba pang serbisyo, ipaglaban! Dagdag na buwis labanan! Kaltas sa badyet ng pabahay pigilan!
Alyansa ng Maralitang Pilipino
30 Agosto 2018
No comments:
Post a Comment