May tama at mali si dating CJ Reynato
Puno sa inirereklamo niyang “elite-led opposition” sa pederalismo. Kay’ta maari
lang namin siyang unawain sa kanyang hinagpis dahil naiipit lamang siya sa laro
ng nag-uumpugang mga elite.
Tama si CJ Puno sa pagtukoy sa mga elite
– ang mga political dynasties, oligarko, at mga monopolyo bilang sanhi ng
gamundong problema ng bansa sa napakatagal na panahon. Pero mali na sabihin na sila ngayon ang tutol
sa pederalismo dahil ang lalabas, mayorya ng masa ang may gusto dito.
Nakikita ni CJ Puno ang mga elite na
nasa likod ng oposisyon sa pederalismo pero bulag siya sa mga elite na nasa
likod at harap din ng pagtutulak nito tulad ng mga dynasties at negosyanteng
kaalyado ngayon ng Pangulo.
Kung ang tinutukoy naman na ni CJ Puno
na “elite” ay ang economic managers at business groups na nagpahayag ng
pagkabahala sa pederalismo, maliwanag na ang kanilang oposisyon ay patungkol
lamang sa usapin ng pondo at sa credit rating ng Pilipinas na makakasama sa
istabilidad ng kanilang negosyo. Hindi naman sila oposisyon sa Pangulo na
siyang pangunahing nagtutulak ng pederalismo. Sila ay totoong oposisyon lamang
sa kahilingan ng manggagawa sa dagdag na sweldo, pagpapatigil sa endo,
repormang agrarayo at pagpapatigil sa pribatisasyon at deregulasyon ng
ekonomiya.
Nakapagtataka na hindi nakikita ni CJ
Puno na ang kalakhan (75%) ng masang Pilipino ay hindi lang walang muwang sa
paksang ito kundi ang mga organisadong sektor ay tutol din dito. Sa hiwalay na
survey naman ay sinasabi pa nga na ang top concerns ng mga Pilipino ay presyo,
sweldo, at trabaho. Sa madaling salita, hindi kahilingan ng masang Pilipino ang
pederalismo.
Tutol ang manggagawa sa chacha at
pederalismo hindi dahil sa ito ay mali bilang konsepto kundi’y dahil hindi ito
ang tamang pagtuunan ngayon ng panahon ng gubyerno. Ang dapat pagkaabalahan at daganan ngayon ng
gubyerno ay ang nagtataasang mga presyo, hindi matigil na endo at kawalang
trabaho. Chicha, hindi chacha ang kahilingan ng manggagawa.
.
At sa huli, ang pundamental na oposisyon
ng mangggawa laban sa chacha at pederalismo ay nakabatay sa paniniwala na hindi
porma ng gubyerno ang totoong problema ng bansa kundi ang makauring komposisyon
mismo ng mga naghahari sa loob nito na mas akma sa tinatawag ni CJ Puno na "elite”.
Hindi sila ang totoong oposisyon. Hindi
rin sila ang solusyon.
Agosto 20, 2018
No comments:
Post a Comment