Thursday, November 24, 2011

PALEA magpoprotesta kasabay ng diumano pagbabalik sa normal ng PAL

Press Release
November 24, 2011
PALEA

Susugod sa Pasay Hall of Justice ang mga miyembro ng Philippine Airlines Employees’ Association (PALEA) mamayang hapon habang dinidinig ang kaso ng Philippine Airlines (PAL) laban sa protest camp ng grupo. Mamayang alas dos ay may hearing ang Pasay Regional Trial Court (RTC) sa hiling ng PAL na tanggalin ang protest camp na tinutulan naman ng PALEA sapagkat bahagi ito ng kanilang protesta laban sa tanggalan at kontraktwalisasyon sa kompanya.

Sumabay din ang protesta sa araw na ito na inanusyo ng PAL na pagbabalik sa normal ng kanilang operasyon. Sagot naman ng PALEA na press release lang ito sapagkat anang grupo, nananatiling abnormal ang operasyon ng PAL. Bilang patunay, binanggit ng PALEA ang 3-day delay sa isang Los Angeles-Manila flight noong Nobyembre 17 and ang seven-hour delay sa Manila-Bangkok flight nitong Linggo.

“Mas marami pang aberya ang nagagap sa operasyon ng PAL dahil sa kabiguan ng outsourcing plan at kapalpakan ng untrained at overworked na mga iskirol na nagtatrabaho kapalit ng PALEA members. Di lang ito nauulat sa media. Mungkahi namin sa media na imbestigahan ang resulta ng kakatapos lang na audit ng US Federal Aviation Authority para malaman ang katotohanan kung balik sa normal na talaga ang PAL,” paliwanag ni Gerry Rivera, pangulo ng PALEA.

Paniwala din ni Rivera na madi-dismiss ang kaso ng PAL sa Pasay RTC. “Sa isang labor dispute, normal na nagtatayo ng picketline o protest camp at kinikilala ito ng batas. Hindi ito iligal. Ang bawal ay ang pwersahan at marahas na pagbubuwag ng protest camp gaya ng sinubukang gawin ng mga upahang goons noong Oktubre 29,” ani Rivera. Pito ang nasugatan sa hanay ng PALEA habang nahuli ang isa mga umatake na umamin sa pulis na binayaran sila ng management sa halagang P200 bawat isa.

No comments: