Friday, November 4, 2011

Ikatlong araw na Lakbay-Hustisya ng PALEA, sinamahan ng ibat-ibang grupo sa Mendiola

Press Release
November 4, 2011
PALEA

Sinamahan ngayon patungong palasyo ng Malakanyang ng ibat-ibang labor groups sa ilalim ng Koalisyon Kontra Kontraktwalisasyon (Kontra), mga istudyante at iba pang grupo ang ika-3 at huling araw ng isinasagawa nilang “Lakbay-Hustisya”.

Sa Mendiola ay hihilingin nila kay Pangulong Aquino na bawiin nito ang pag-endorso sa planong oustsourcing at kontraktwalisasyon ni Lucio Tan sa PAL at ibalik sa trabaho ang 2,600 sinibak na empleyado nito.

Ayon kay Gerry Rivera, tagapangulo ng PALEA, matagumpay nilang naidaos ang kanilang 3-araw na paglalakbay para sa hustisya dahil nakita mismo ng kanilang mga myembro kang malawak ng suporta sa kanilang laban, na kabaliktaran umano sa sitwasyon ng PAL na kapwa kapitalista at mga bulok na opisyal lang ng guberyno ang sumusuporta.

“Nanawagan kami sa publiko na suportahan ang aming laban at mainit nila kaming tinanggap.  Nanawagan naman ng suporta ang PAL sa mga employers sa ilalim ng ECOP at sila naman ay pinaunlakan.  Malinaw na ang labanan ngayon ay isa nang ‘class war’ sa pagitan ng 1% at 99%,” ani Rivera.

Habang nagaganap ang Lakbay-Hustisya ay patuloy naman ang pagdating ng internayunal na suporta sa PALEA.  Ang pinakahuli ay mula sa Central Unica Dos Trabalhadores (CUT), ang pinakamalaking trade union center sa Brazil, at mula sa International Liason Committee ng mga manggagawa sa France. Magkakaroon naman ng piket sa New York ang mga Filam at ilang unyon sa US. 

Aabangan umano ng lahat ang susunod na hakbang ng Malacanang kung ang patuloy nitong susuportahan ay si Lucio Tan na dating kroni ni Marcos, suporter ni Gloria, at bigtime tax evader, o ang 99% ng manggagawa at maralita na naghahanap ng hustisya sa pang-aabuso at pagsasamantala ng mga kapitalista.

Matapos ang rali sa Mendiola ay tutulak pa ang “Lakbay-Hustisya” sa tanggapan ng PAL sa PNB Building sa Roxas Boulevard para sa pagpapatuloy ng protesta at mula dito ay magmamartsa na pabalik sa kanilang protest camp kung saan sasalubungin sila ng kanilang mga kasamahan.

No comments: