Monday, July 23, 2018

Alyansa ng maralita “tatambay” muna sa NHA bago sumanib sa United Peoples SONA


Magsasagawa muna ng “Tambay Protest” ang mga myembro ng Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP) sa tanggapan ng National Housing Authority (NHA) alas diyes (10:00AM) ng umaga bukas bago magmartsa patungong Commonwealth Avenue at Batasan para sumanib sa Kalipunan ng mga Kilusang Masa (Kalipunan) at United Peoples SONA (UPS). 

Ayon kay Ver Estorosas, tagapagsalita ng AMP, layunin ng “Tambay Protest” na ipakita sa NHA at sa publiko ang malungkot na estado ng programang pabahay ng pamahalaan. Sa kasalukuyan anila ay bukod sa napakabagal ay kulang na kulang ang programa para tugunan ang pangangailangan ng mahihirap na Pilipino para sa ligtas at disenteng paninirahan. 

Kung tutuusin daw ay ang NHA daw ang siyang “tambay” sa usapin na ito dahil sa napakabagal na implementasyon ng mga programang pabahay – mula sa pagproseso ng aplikasyon ng mga benepisyaryo hanggang sa substandard na konstruksyon ng mga proyekto sa mga off-city at walang kabuhayan na relocation sites. 

Ayon pa kay Estorosas, hindi mauubusan ng benipisyaryo ang programang pabahay ng pamahalaan kaya’t dapat madaliin ang mga proseso hinggil dito at laanan ng malaking pondo. 

Sa kasalukuyan ay umaabot pa sa mahigit 6 na milyon ang housing backlog sa buong bansa at inaasahang lolobo pa ito sa 12 milyon sa taong 2030. Kaya’t pinupuna din ng AMP ang programang build-build-build (BBB) na popondohan ng mga bagong buwis dahil mas nakatuon umano ang mga infrastructure project nito sa mga negosyante at hindi sa pabahay ng mga maralita. 

Ibinabaling din umano ng gubyerno ang pulisya sa madugong anti-drugs at anti-tambay na kampanya na nagdudulot ng pangamba at karahasan sa mahihirap na komunidad. Ang kailangan umano ay magkaroon ng regular na trabaho at disenteng tirahan ang mga Pilipino para ganap na mawala ang mga tambay at pasaway sa mga lansangan. 

Sinamahan ng mga lider ng Partido Manggagawa (PM) ang protesta ng AMP dahil naniniwala ang partido na kawalan ng disenteng trabaho at paninirahan ang tunay na pinagmumulan ng problema. 

Ayon kay Renato Magtubo, tagapangulo ng PM, ang mga usaping ito ang naghahanap ng kongkretong pagbabago sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, hindi pa ang istruktura ng pamahalaan na nais baguhin sa isinusulong na chacha. 

Mula sa NHA ay tutulak ang grupo patungo sa Toyota Commonwealth para sumanib sa Kalipunan at sa United Peoples SONA.

Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP)
23 July 2018

No comments: