Press Release
May 8, 2010
Nagpahayag ng suporta ang grupong party-list na Partido ng Manggagawa kay Robin Padilla sa kinakaharap nitong kaso sa pag-endurso ng condom sa advertisement. “Si Robin Padilla ay isang good boy sa kanyang pag-endurso ng paggamit ng condom na kadalasang iniiwasan ng mga machong Pilipino. Ang paggamit ng condom ay isang usaping reproductive health hindi isang isyung moral,” paninindigan ni Judy Ann Miranda, secretary-general ng Partido ng Manggagawa.
Nanawagan din si Miranda kay Jo Ambong, kandidatong pagkasenador ng Ang Kapatiran Party na nagsampa ng kaso, na humarap na lang sa isang debate. “Hinahamon namin si Ambong at iba pang kandidato, gaya ni Mike Velarde na isang party-list nominee, na ipagtanggol ang kanilang posisyon laban sa condom at kontra sa Reproductive Health bill sa isang public forum,” aniya.
Dati nang sinuportahan ng Partido ng Manggagawa ang Department of Health sa kontrobersyal nitong programa ng pamamahagi ng condom. Ang Partido ng Manggagawa din ang grupong nagprotesta sa opisina ng Catholic Bishops Conference of the Philippines noong Araw ng Kababaihan. Tumatakbo ang Partido ng Manggagawa sa halalan sa party-list sa platapormang “Apat na Dapat” na ang ibig sabihin ay regular na trabaho, sapat na sweldo, murang pabahay at reproductive health.
“Nananawagan ang kababaihang manggagawa kay Robin na huwag umatras sa pag-endurso sa paggamit ng condom. Alam naming hindi santo si Robin pero magandang role model siya para sa mga isyu gaya ng pagkakaisa ng mga Muslim at Kristyano,” paliwanag ni Miranda.
Nanindigan naman ang Partido ng Manggagawa na trabaho ng gobyerno ang promosyon ng condom. “Sa halip na gawing negosyo ng pribadong sektor, pangunahing responsibilidad ng gobyerno ang paglalaan ng reproductive health services. Hinihiling namin sa uupong bagong gobyernong na gawing urgent and priority legislation ang panukalang RH bill. Karapatan ng kababaihan ang mapasya sa kanilang mga katawan at tungkulin ng estado na ipagtanggol ang kalayaan ng mga babae na pumili sang-ayon sa kanilang kagustuhan,” giit ni Miranda.
No comments:
Post a Comment