Press Release
May 4, 2010
Bilang reaksyon sa pagbawi ng 7,000 palyadong memory cards at 3,000 PCOS machines sa NCR, nanawagan ang grupong party-list na Partido ng Manggagawa (PM) na magbantay ang mga botante sa harap ng posibleng failure of elections. “Ang pagbawi ng memory cards at PCOS machines ay pinakahuli lang sa serye ng mga kababalaghang maaring mauwi sa failure of elections,” pahayag ni Renato Magtubo, tagapangulo ng PM.
Sumang-ayon din ang PM sa kontrobersyal na panawagang maglunsad ng people power sakaling maganap ang failure of elections. Nagpahayag ang grupo ng kahandaang magmobilisa ng mga manggagawa at maralita para sa isang people power laban sa itatayong gobyernong junta na kahahantungan ng failure of elections.
“Ang failure of elections ay katumbas ng failure of the system. Sa ganitong sitwasyon, ang people power ay karapatan ng sambayanan para magbigay daan sa pagbabago sa halip na nakawin ng nakaupong rehimen ang kapangyarihan,” paninindigan ni Magtubo.
Aniya, “May sarili kaming ulat mula sa Romblon na pumalpak din ang testing ng PCOS machines. Dagdag pa ito sa media reports ng palyadong makina sa NCR, Mindoro at Batangas.”
Ibinunyag ni Magtubo na ikinakasa na nila ang mga lider at miyembro ng PM para maging pollwatchers sa polling centers ng matataong depressed communities kung saan mayroon silang chapters. “Ang Workers Ballot Brigades ay pupwesto sa mga presinto ng Metro Manila at paligid nitong Calabarzon at Bulacan, at ibang sentrong syudad gaya ng Metro Cebu, Metro Bacolod at Metro Davao.” ###
No comments:
Post a Comment