Thursday, April 22, 2010

Panibagong protesta kontra tanggalan ng 3,000 empleyado ng PAL

Press Release
April 22, 2010


Maglulunsad bukas ng isang panibagong motorcade ang mga empleyado ng Philippine Airlines kontra sa planong tanggalan ng 3,000 manggagawa. Ang motorcade ay magsisimula ng 10:30 n.u. sa Department of Labor and Employment sa Intramuros tapos tutungo sa PAL Center sa PNB Compound sa Diosdado Macapagal Ave., pupunta sa PAL In Flight Center sa Airport Road at magtatapos sa Nichols terminal.

“Tuloy ang laban sa malawakang tanggalan sa PAL,” paliwanag ni Gerry Rivera, bagong halal na pangulo ng PAL Employees Association at vice-chairperson ng Partido ng Manggagawa. Nagsimula ang protesta laban sa tanggalan sa isang motorcade noong Lunes na nilahukan ng lagpas lagpas 200 tao na sakay ng 100 motorsiklo at kotse.

“Ang layunin ng spinoff ay ibigay ang trabaho sa ibang kompanya na pag-aari pa rin ni Lucio Tan pero ang mga manggagawa ay hindi unyonisado kung kaya’t mas barat ang sweldo, kapos ang benepisyo at walang seguridad ang trabaho. Tatanggalin ang mga regular na manggagawa at papalitan sila ng mga empleyadong kontraktwal. Nangyari na ito dati nang ilipat ang ibang linya ng PAL sa Lufthansa Technik at Macro Asia kung saan stockholder si Lucio Tan,” iginiit ni Rivera.

Sinusuportahan ng party-list na Partido ng Manggagawa ang ipinaglalaban ng unyon ng PAL. “Ang laban ng mga empleyado ng PAL ay laban ng lahat ng manggagawang Pilipino. Ang kontraktwalisasyon ay isang virus na pumepesta sa kabuhayan ng mga manggagawa at kanilang pamilya,” pahayag ni Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido ng Manggagawa.

Nananawagan ang Partido ng Manggagawa sa kilusang paggawa na magkaisa at makiisa sa laban ng mga empleyado ng PAL. “Magtutuloy ang mga pagkilos hanggang sa Araw ng Paggawa sa Mayo Uno. Ang kahilingan ng mga manggagawa sa Mayo Uno ay regular na trabaho at umento sa sweldo,” ani Magtubo.

No comments: