Press Release
April 21, 2010
Binatikos ng party-list na Partido ng Manggagawa ang paghirang kay Anita Carpon, ang personal na manikurista ni Pangulong Gloria Arroyo, bilang government employees representative sa Board of Trustees ng Pag-IBIG Fund. “Isa na naman itong kontrobersyal na midnight appointment at ehemplo ng pagtatanim ni GMA ng kanyang mga tao sa susing posisyon sa pamahalaan bago niya lisanin ang Malacanang,” ani Renato Magtubo, ang tagapangulo ng Partido ng Manggagawa.
Paliwanag ni Magtubo, “Hindi kami tutol kay Carpon dahil siya ay abang manikurista. Kahit isang simpleng tao ay may kakayahang umupo sa importanteng posisyon sa gobyerno gaya ng pamamahala sa housing fund ng mga manggagawa. Pero duda kaming kakatawanin ni Carpon ang interes ng mga manggagawa sa gobyerno dahil sa utang na loob at personal na relasyon niya kay GMA.” Si Magtubo ay naging 12 taon na kongresista habang siya ay isang manggagawa sa pabrika ng Fortune Tobacco sa Marikina.
“Sa humigit-kumulang isang milyong empleyado ng gobyerno, wala na bang may kakayahang kumatawan sa kanilang kapakanan sa board ng Pag-IBIG nang walang personal na relasyon kay GMA? Hindi mahirap isipin na gagamitin lang ni GMA si Carpon para pakialaman ang halos P200 bilyong pondo ng mga manggagawang pampribado at pampubliko,” giit ni Magtubo.
Sa pananaw ng Partido ng Manggagawa, mas tamang magmula ang government employees representative sa Pag-IBIG board mula sa mga rekomendado ng mga organisasyon ng manggagawa sa pamahalaan. “Kung paanong may prosesong inirerekomenda ng JBC ang bagong Chief Justice, dapat may kahalintulad na nominasyon mula sa mga samahan ng government workers,” pahayag ni Magtubo. Bilang isang organisasyon ng mga manggagawa na miyembro ng Pag-IBIG, bukas ang Partido ng Manggagawa na lumahok sa ganitong proseso.
No comments:
Post a Comment