Press Release
April 26, 2010
Ilang araw bago ang Araw ng Manggagawa sa Sabado ay sumisiklab ang mga protesta laban sa malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon ng paggawa. Kaninang hapon ay nag-walkout ang mga manggagawa sa isang pabrika sa Cavite export zone bilang protesta sa pagtatanggal ng 450 empleyado, halos kalahati ng workforce. Nagmartsa ang mga manggagawa ng Dyna Image Corp. Phils., isang electronics firm na pag-aari ng mga dayuhang Intsik, mula sa kanilang pabrika at nagprograma sa gate ng Cavite Economic Zone sa bayan ng Rosario, Cavite.
Bukas ay magpoprotesta uli sila bukas kasabay ng hearing sa reklamong iligal na tanggalan at harrasment. Lagpas 200 miyembro ng Samahan ng Manggagawa sa Dyna Image Corp. Phils. at ng party-list na Partido ng Manggagawa ang magtitipon bukas ng alas dos ng hapon sa opisina ng National Conciliation and Mediation Board sa Imus, Cavite.
Bukod sa protesta sa Dyna Image ay dalawang beses nang naglunsad ng motorcade nitong nakaraang linggo ang mga empleyado ng Philippine Airlines. Sa katapusan ng Mayo naman tatanggalin ang 3,000 empleyado ng PAL, halos kalahati din ng workforce.
Iginiit ni Dennis Sequena, lider ng Partido ng Manggagawa sa Cavite, dapat ay maghanap muna ng ibang paraan bago magsibak ng mga manggagawa sang-ayon sa patakaran ng Department of Labor and Employment. Suspetsa naman ni Virgie Morite, pangulo ng unyon sa Dyna Image, papalitan lang ang mga regular na manggagawa ng mga kontraktwal na barat ang sweldo, kulang ang benepisyo at walang seguridad sa trabaho.
Lalahok ang mga unyon ng Dyna Image at PAL sa protestang pangungunahan ng Partido ng Manggagawa sa darating na Araw ng Manggagawa. Mga isang libong manggagawa na sakay ng lagpas 500 motorsiklo ang bubuo sa “Sakbayan Para sa Dagdag Sahod at Trabahong Regular” na ilulunsad sa Mayo Uno.
No comments:
Post a Comment