Press Release
Mayo 1, 2009
Isang Misa ang inialay sa manggagawa ngayong umaga bilang bahagi ng selebrasyon ng Araw ng Paggawa. Pinangunahan ito ni Bishop Teodoro Bacani at ginanap sa simbahan ng Our Lady of Remedies (Malate Church) kung saan nagpalipas ng gabi ang mga lumahok sa Lakbayan ng Partido ng Manggagawa (PM).
Binasa sa naturang misa ang isang pastoral statement mula kay Manila Archbishop Cardinal Gaudencio Rosales. Ang Misa para sa Manggagawa ay iniaalay ng Archdiocesan Ministry for Labor Concerns (AMLC) at ng Church Labor Conference para sa mga manggagawa at maralitang hinahagupit ngayon ng krisis.
Ayon kay Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido ng Manggagawa (PM), sa nakalipas na mga araw ay nagkaroon ng dayalogo ang mga lider manggagawa at maralita kay Cardinal Rosales upang hingin ang suporta ng simbahan para sa kampanya para sa proteksyon sa trabaho, paninirahan at kagalingan ng mga manggagawa at maralita.
Positibo umano ang naging resulta ng dayalogo dahil nangako ang simbahan na magiging kaagapay ng manggagawa ang simbahan para makamit ang konkretong mga kahilingan. Mula dito ay pormal na nabuo nitong nakaraang Lunes ang tinatawag na Church Labor Conference.
Isinusulong ng Church Labor Conference ang mga kagyat na kahilingan para sa proteksyon. Tampok dito ang unemployment subsidy para sa mga biktima ng layoff; rebersal ng desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Dusit Hotel; universal healthcare para sa mga biktima ng tanggalan at sa mga unemployed; reporma at ekspansyon sa programang patrabaho ng gubyerno; moratorium sa demolisyon; at moratorium sa tuition fee increase at iba pang mga bayarin.
Matapos ang misa sa Malate Church, nagsimulang magmartsa ang mga manggagawa at maralita patungong Liwasang Bonifacio upang sumanib sa iba pang grupo sa ilalim ng Alyansa ng Manggagawa, Maralita at Magsasaka para sa Proteksyon at Pagbabago, o AM3. Inaasahang di bababa sa 10,000 katao ang makikilahok sa nasabing rali at martsa patungong tulay ng Mendiola. Sasabay din sa mga pagkilos ngayong araw ang mga tsapter ng PM sa Cebu, Bacolod, Ilo-ilo, Davao, GenSan, Iligan, at Dipolog.
Ayon pa kay Magtubo, ang hinahangad ng mga manggagawa ay pagbabago sa mga patakarang pang-ekonomiya na nagpapahirap sa masang Pilipino tulad ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon.
Ibang-iba umano ito sa isinusulong na cha-cha ng pamahalaang Arroyo na ang layunin ay proteksyunan ang kapangyarihan ng mga nasa poder at higit pang palayain ang pandarambong ng dayuhang kapital sa bansa.
No comments:
Post a Comment