Pagbati sa pagbubukas ng kongreso ng UNORKA! Bilang mga lider ng Partido ng Manggagawa, itinuturing namin ang aming mga sarili na mga kinatawan ng mulat na manggagawa na nakikipagkaisa sa inyo na mga delagado ng mga progresibong magsasaka.
Mula noong nakaraang taon hanggang sa ngayon ay ilang beses nang nagsanib ang pagkilos ng mga manggagawa at mobilisasyon ng mga magsasaka. Nagsimula ito bandang Marso 2008 sa isang rali na urban and rural poor solidarity. Nitong huli—gaya nang nakaraang Disyembre—ay tampok ang pagsuporta ng mga manggagawa sa kahilingan ng mga magsasaka para sa Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reform o CARPER kung tawagin.
Gusto namin idiin na sinusuportahan ng Partido ng Manggagawa ang laban ng magsasaka sapagkat gusto naming mapanday ang alyansa ng manggagawa at magsasaka. Ang alyansang ito ang gulugod ng kilusang masa na may lakas na baguhin ang lipunang Pilipino.
Sa ngayon ang alyansang ito ay nasa antas ng pang-ekonomiyang laban. Dapat mapaunlad ito sa batayang anti-globalisasyon at anti-sistema. Hanggang rumurok sa pampulitikang pakikibaka para sa panlipunang pagbabago.
Pagsumikapan nating isulong ang alyansang ito dahil ito ang nawawalang salik kaya’t kapos sa pwersa at di magtagumpay ang pagpapatalsik sa kasalukuyang rehimen. Hindi alyansa ng kilusang masa sa isang paksyon ng naghaharing uri ang paraan. Lalong hindi ang shortcut ng isang kudetang militar ang sagot. Hindi rin lang ito kawalan ng isang “popular leader” na magbibigay-inspirasyon sa publiko. Ang makapangyarihang alyansa ng manggagawa at magsasaka na nagdadala ng panawagang “Palitan ang sistema” ang pupukaw sa militansya ng mamamayang Pilipino.
Habang binubuo natin ang pagkakaisa ng mga manggagawa at magsasaka para sa panlipunang hustisya at panlipunang pagbabago, mayroon lang kaming nais ilambing sa inyo.
Nakikiusap kami sa mga magsasaka na sa halip na pribadong pag-aari ng lupa ay nasyunalisasyon ng lupain ang ating isulong. Ibig sabihin ng nasyunalisasyon ng lupa ay isang rebolusyonaryong estado, ng isang gobyerno ng manggagawa at magsasaka, ang mag-aari sa lupa sa ngalan ng buong mamamayan upang ang sinumang nais magsaka ay may karapatang bungkalin ang sakahan.
Ang pribadong pag-aari ng lupa kasi ay magiging bukal ng panibagong porma ng pagsasamantala. Gaya ng nasasaksikan sa kanayunan, ang isang seksyon ng mga magsasakang nabiyayaan ng lupa ay aangat ang kabuhayan sa pagiging mayamang magsasaka at uupahan nila bilang trabahador ang mga manggagawang bukid na magmumula sa mga magsasakang bumagsak ang kabuhayan. Sa ganitong sitwasyon—na aktwal nang nangyayari sa kanayunan—magbabangga ang interes ng magsasaka at manggagawa.
Ilinaw lang namin uli. Kinukumbinsi ng mga manggagawa ang magsasaka sa kawastuhan ng nasyunalisasyon at hindi ito ipipilit kung labag sa kalooban ng mga kapatid na magbubukid. At gusto ng manggagawa ang nasyunalisasyon ng lupa kung magkakaroon ng isang rebolusyonaryong gobyerno hindi sa ilalim ng kasalukuyang bulok na sistema.
Kaya naman sa pagitan ng panawagan ng magsasaka na CARPER sa isang banda at sa kabilang banda, ang panukalang GARB at laluna ang posisyon ng asendero na patayin ang repormang agraryo, malinaw kung kanino dapat kumampi ang manggagawa.
Maasahan ng mga magsasaka ang manggagawa sa labang ito. Ang maso at ang karet ay di maipaghihiwalay sa pakikibaka para sa repormang agraryo.
Mabuhay ang pagkakaisa ng manggagawa at magsasaka! Pagtibayin ang alyansa ng manggagawa at magsasaka para sa pagbabago ng sistema!
No comments:
Post a Comment