Nais ipabatid ng mga manggagawa sa nakapakahalagang okasyong ito ang aming mahigpit na pakikiisa sa pakikibaka ng mga kapatid naming magsasaka para sa lupa at hustisya. Hangad namin – at para dito ay handa kaming mag-alay ng walang sawang suporta -- sa ikatatagumpay ng inyong pakikibaka.
Sa inyo, at sa buong uring anakpawis, ay walang pag-aalinlangan ang aming pakikipag-alyansa. Ang matibay na pagkakapatiran ng manggagawa at magsasaka ang pinakamahalagang alyansang dapat mabuo sa harap ng inhustisyang nararanasan ng buong bayan sa ilalim ng kasalukuyang sistema na pinaghaharian ng mga elitista.
Itinuturing namin ang inyong pakikibakang agraryo bilang pakikibaka para sa hustisyang panlipunan. At ang hustisyang panlipunan, para sa amin, ang tanging hakbang upang ang bayang ito ay umunlad at ang masang Pinoy ay mabuhay ng may dignidad.
Hindi gaya ngayon na ang karangalan ng mga Pinoy ay umaangat lamang kapag may nana-knockout si Manny Pacquiao.
Hustisya ang kahulugan ng pakikibakang agraryo dahil mula sa maliit na minorya ay ipamamahagi ang mga lupain sa mayorya ng mamamayan sa kanayunan. Sa katunayan, ang pangarap ng mga manggagawa ay lahat ng lupain na kakailanganin para sa progresong panlipunan ay mailagay sa kontrol ng buong lipunan – na ang nakapagpapasya ay ang tunay na mayorya ng mamamayan.
Hindi gaya ngayon na ang desisyon kung saan gagamitin ang libu-libong ektarya ng mga lupain ay nasa kamay ng iilang pamilya. Gamitin man nila ito hindi sa produksyon ng pagkain kundi sa produskyon ng pabango, o kaya ay biofuel, wala tayong kinalaman. Dahil ang mga lupaing ito ay kanilang pribadong pag-aari at hindi ng lipunan.
Nakakalungkot ang ganitong larawan pero ganito ang ating sitwasyon sa nakalipas na ilang daang taon. Alam ng lahat na mali ang sistemang ito. Nakasulat sa mga libro at itinuturo sa mga unibersidad na mali ito. Alam ng simabahan na mali ito. Alam ng mga internasyunal na institusyon gaya ng United Nations na ang sistemang ito ay nagluluwal ng inekwalidad. Kaya nga sa maraming bansa, lalo na sa mga mauunlad na bansa, maaga nilang tinapos ang repormang agraryo.
Sa Japan halimbawa ay inabot lamang ng halos limang taon ang repormang agraryo. Ganundin sa Korea at maging sa China. Pero dito sa Pilipinas, tinubuan na ang CARP ng buhok at inabot na nga ng comatose pero nanatili pa ring konsentrado ang malalawak na lupain sa iilang tao. Kung bakit ganito ang mismong paliwanag kung anong sistema meron tayo.
Kung sa ibang bansa ay dagling ipinatupad ng mismong gubyerno repormang agraryo, dito sa atin ang mga nakaupo mismo sa poder ng gubyerno ang siyang ayaw ng repormang agraryo. Ayaw ng mga landlord na kongresman dahil ayaw nilang isuko ang kanilang pribadong pag-aari. Ayaw ng iba pang mga pulitiko dahil ayaw nilang mawala ang suporta ng kanilang mga padrinong landlord. Ganito kasimple ang alam naming paliwanag kung bakit di matapos-tapos ang repormang agraryo sa Pilipinas.
Sobra-sobra ang katwiran para sa repormang agraryo pero sobra-sobra naman ang lakas at kapit ng mga asendero sa gubyerno. Dahil kanila ang gubyerno. Dahil kanila ang Kongreso. At sa maraming pagkakataon, di ba’t kanila rin ang husgado?
Mga kapatid na magsasaka. Tanging kayo, kami, at sa pagkakataong ito – ang Simabahan ang magkakampi sa labang ito. Pahigpitin pa natin ang pagkakaisang ito. Anuman ang sapitin ng labang ito sa nalalabing ilang araw na ilalagi ng Kongreso bago magrecess, tibayan natin ang ating loob, palakasin pa natin ang ating hanay. At mananatili nyo kaming kaagapay hanggang sa tagumpay.
Mabuhay kayo!!
Labor Alliance for Better Order and Reform (LABOR)
May 25, 2009
No comments:
Post a Comment