AMP 2nd All Leaders Assembly
Kami ang mga lider ng mga samahan at organisasyon sa mga komunidad ng maralita sa Metro Manila, Southern Tagalog at Central Luzon. Sa mga komunidad na ito matatagpuan ang isa sa bawat apat na Pilipino. Naririto ang kalakhan ng tinatawag na maralitang tagalungsod.
Binibigkis namin ang aming mga sarili sa Alyansa ng Maralitang Pilipino upang maging tinig at tambuli ng mga karaingan at kahilingan, panawagan at paninindigan ng mahihirap sa ating bayan.
Sa ating mga komunidad, natutunan nating nasa pagkakaisa ang lakas at nasa pagkilos ang tagumpay. Iniaangat namin ngayon sa mas mataas na antas ang pagkakaisa at pagkilos na ito. Nagkakapit-bisig tayo upang isulong ang pangkalahatang paglaban ng mga maralita para sa pabahay, kabuhayan at pagbabago.
Sa partikular, ipaglalaban natin ang kagyat na mga kahilingan ng maralita sa harap ng krisis pang-ekonomiya:
1. Moratorium sa demolisyon at foreclosure.
2. Condonation sa mga multa at interes sa low-cost at socialized housing loans.
3. Reporma at paglawak ng patrabaho ng gobyerno para sa 3 milyong walang hanapbuhay.
4. Paglaan ng 20% ng lupain sa housing projects para sa socialized housing.
5. Paglipat ng P330 bilyong stimulus fund para sa suporta sa mahihirap sa halip na infrastructure projects.
Lagpas dito ay isusulong natin ang panawagang baliktarin ang mga patakarang nagpapatindi sa krisis pang-ekonomiya at nagpapalala sa pagdarahop ng mamamayan. Ibasura ang patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Protektahan ang lokal na industriya at agrikultura upang mapalakas ang lokal na ekonomiya at magkaroon ng trabaho ang bawat Pilipino.
Pero ang ultimong solusyon sa kahirapan ay ang pagtatatag ng isang lipunang ang prayoridad ay hindi ang tubo ng mayayaman kundi ang pangangailangan ng taumbayan.
Ang susi sa tagumpay ng kagyat at pangmatagalang labang ito ay ang pagbubuo ng isang malakas na kilusang maralita na magiging kaagapay ng kilusang manggagawa. Ang isang makapangyarihang kilusan ng manggagawa at maralita ang pupukaw sa sambayanan upang baguhin ang bulok na sistema sa ating bayan.
No comments:
Post a Comment