Monday, July 27, 2026

Nakakahiya kung P2,000 ayuda at 2 preso lang ang maging highlight ng SONA 2026



Nakakahiya ang ikalimang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. kung ang magiging laman lamang nito ay ang P2,000 ayuda sa ilalim ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport (UPLIFT) program para labanan ang nararansang krisis sa ekonomiya, at 2 presong nakakulong dahil sa pagkakasangkot sa flood control scam.

 

Ayon ito sa Partido Manggagawa (PM) na kabilang sa mga grupo ng manggagawa na magsasagawa ng kilos-protesta ngayon araw ng SONA.

 

Matatandaang bago ang kanyang SONA ay nag-anunsyo ang Pangulo ng panibagong financial assistance na nagkakahalaga ng P2,000 mula July hanggang December para sa mahihirap at sa tinawag niyang “malapit nang maging mahirap”, terminong naging mainit na usap-usapan sa social media. 

 

Isang taon naman matapos ang kanyang “mahiya naman kayo” na mensahe kaugnay ng korapsyon sa flood control sa nakaraang SONA ay dalawa pa lamang ang nasa kulungan – sina Senador Ramon Bong Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada. Samantalang ang dalawa pang nakakulong na sina Senador Rodante Marcoleta at dating Kongresman Mike Defensor ay nahaharap naman sa ibang kaso ng plunder na may kinalaman sa hindi idineklarang kontribusyon noong nakaraang eleksyon.

 

Una nito ay nanawagan ang PM na upang hindi maging SONAkakahiya ang ikalimang SONA ni PBBM ay agaran at pangmatagalang solusyon laban sa lumalalang cost-of-living crisis ang dapat ilatag at aksyunan.

 

Ayon kay Renato Magtubo, Pangulo ng PM, una dito ang sertipikasyon ng P200 na legislated wage hike at pagsasabatas ng National Minimum Wage na parehong nakabinbin sa ngayon Kongreso; pagrepaso sa Oil Deregulation Law, Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at Value Added Tax (VAT); public employment program at iba pang reporma na makapagpapagaan sa buhay ng mga Pilipino. 

 

Malinaw aniya sa resulta ng dalawang magkahiwalay na survey ng Pulse Asia at EON-Tangere bago ang SONA na ang mas marami sa listahan ng gustong marinig ng mga Pinoy sa SONA ni BBM ay ang tungkol sa presyo, sweldo, trabaho, kahirapan, at iba pang economic concerns.


PRESS RELEASE

Partido Manggagawa 

27 July 2026


No comments: