Saturday, July 11, 2026



Hindi pa nga natatanggap ay kinain na ng power rate hike ang isang araw sa ₱60 wage hike ng minimum wage earners dito sa NCR. 

 

Ayon sa Partido Manggagawa, hindi bababa sa ₱74.8 milyon mula sa 1.1 milyong minimum wage earners sa NCR na dapat tumanggap ng ₱60 wage hike ngayong Hulyo ang mapupunta lamang sa mga may-ari ng power plants dahil sa ₱0.34/kwh na rate hike na inanunsyo ng Meralco. 

 

Pauna lamang ito sa mga susunod pang pagtaas sa presyo ng kuryente dahil nakabinbin din sa Energy Regulatory Commission (ERC) ang petisyon ng Meralco para sa sariling distribution, supply, and metering (DSM) charge adjustment na nagkakahalaga ng ₱0.99/kWh sa ilalim ng first regulatory period ng 2027-2031na maari umanong desisyunan ng ERC ngayong 3rd Quarter. 

 

“Ang wage hike ay utay-utay pero ang rate power rates hike ay sunod-sunod,” galit na pahayag ni Judy Miranda, Secretary General ng Partido Manggagawa (PM). 

 

Ayon kay Miranda, kung pagsasamahin ay mahigit ₱1.00/kWh ang average na itinaas ng presyo ng kuryente mula Marso. 

 

Sa paliwanag ng PM, ₱74.8 milyon ang mawawalang halaga mula sa 1.1 milyong minimum wage earners dahil ang katumbas ng ₱0.34/kWh sa konsumo na 200 kWh ng tipikal na household sa isang buwan ay ₱68. 

 

“Ibig sabihin, isang araw na minimum wage na kaagad ang nawala sa bagong wage hike ng minimum wage earners sa NCR. Ito pala ang buhay sa Upper Middle-Income Country, mas mabilis ang power hike kaysa sa wage hike,” ayon pa kay Miranda.

 

Nangangamba rin ang PM na masusundan pa ang power rate hikes ng isa pang round at may domino effect ito sa ibang produkto dahil sa bulnerabilidad ng bansa sa price shocks dahil sa dependence nito sa imported na fossil fuel tulad na langis, coal at LNG na siyang gamit sa power plants at transportasyon dahil napakabagal din ng transisyon sa renewable energy.

 

Dagdag dito ang kapalpakan ng EPIRA at pribatisasyon bilang patakaran na ginawang mas makapangyarihan ang mercado kasya kontrol ng gobyerno sa esensyal na mga serbisyo tulada ng kuryente.

 

“Dapat ang UMIC status ay resulta ng reporma, hindi matematikal na kwenta lamang sa yaman na kalakhan ay nasa kamay lang naman ng mga kapitalista, katulad ng mga may-ari ng power firms,” pagwawakas ni Miranda.


PRESS RELEASE

Partido Manggagawa

11 July 2026

No comments: