Tuesday, June 10, 2025

Reporma Lagpas kay Sara! Legislated Wage Hike, Now Na!

PAHAYAG

Partido Manggagawa

June 10, 2024


Tama, pero kapos. Tuloy, pero bitin. Ganito namin inilalarawan sa PM ang mga kaganapan ngayon, sa dalawang huling nalalabing araw ng sesyon ng Kongreso.


Salamat naman at si SP Chiz Escudero ay nahimasmasan, tumiklop sa kahihiyan kahit na hanggang sa dulo ay kimkim ang sama ng loob sa pagkatalo ng kanyang posisyon. Dahil sa kanyang paliwanag, kahit na may salitang “forthwith” na dapat sundin, ang impeachment trial ay hindi dapat minamadali. Ibig sabihin, pwedeng mabagal, pwedeng dahan-dahan. O pwedeng hindi na lang.


Teka-teka ang tawag sa ganitong pulitika. Ganito ang pulitika na hindi nakatuntong sa matibay na panininindigan para sa tama at mali, sa nararapat at hindi. Ganito ang makasariling pulitika, ang timbangan ay nakasentro sa sarili o kaya ay sa dynasty. Ngunita lam natin na hindi solo ni Chiz ang ganitong pulitika.


Makikita natin ang marami sa kanila sa proseso mismo ng impeachment, kapag nagsimula na ang trial. May inisyal nang palatandaan. Kagabi ay siyam lamang ang bumoto pabor sa “proceed”, anim ang tumutol, at walo ang nyutral. Neutral? May ganun? Magbabago ang komposisyon ng Senado sa 20th Congress kaya’t magkakaroon pa ng rigodon.


Subalit kung nababagalan ang marami sa takbo ng impeachment, ano pa sa tinatakbo ng legislated wage hike? February last year pa naipasa ng Senado ang P100 increase, pero sa Kamara nito lamang nakaraang linggo naipasa ang P200. Para mapabilis ay dapat nag-usap na ang bicameral panel para dito, pero wala pa. Dahil dito ay mamimiligrong hindi ito maipasa.


Ito ang dahilan kung bakit hinihimok din namin mga ang mga mambabatas na manumpa, hindi lamang bilang mga justice at prosecutor sa impeachment court, kundi para maipasa ang legislated wage hike na nakabinbin ngayon sa Kongreso.


Nakapanumpa na si SP Chiz Escudero bilang presiding justice at maaring ngayon o bukas ay manumpa na rin ang lahat ng senador.  Subalit ang wage hike ay wala pang naitatalagang conferees ang Senado para sa Bicam. May mga pahayag din mula sa ilang Senador na bubusisiin pa nila ng husto ang naipasa nilang panukala, bagay na lalong magpapabagal o ganap na pumigil sa pagpasa nito. 


Matatagalan ang nabuksang paglilitis sa impeachment dahil tatawid pa ito sa 20th Congress, samantalang ang wage hike bill na P100-P200 ay naghihingalo sa antas ng bicam at nanganganib pang di makarating sa Palasyo para maging batas. Nanunulay din ito sa presyur ng capitalist veto dahil sa pagtutol ng mga negosyante at economic managers ni Bongbong Marcos. 


Naniniwala kami na may magagawa pa ang Kongreso kung magkakaisa lamamg ang dalawang Kapulungan na maipasa ang wage hike bill kahit nasa last two minutes na tayo ng labanan. Kung hindi ito magagawa, ito ay pagtalikod sa kanilang tungkulin at pagyuko sa capitalist lobby laban sa manggagawa.


Ang ganitong kabiguan ay lalo lamang magpapatibay at magpapatunay sa aming paniniwala na kapos ang impeachment ni Sara kung walang kaakibat na mga reporma, katulad sa mga naunang impeachment.  


Naninindigan kami na ang reporma ay dapat lagpas sa impeachment ni Sara, at ang pagtugon sa kahilingan ng mga manggagawa na baguhin ang maling patakaran na naglibing sa sweldo sa starvation at poverty level ay mas malaking inhustisya na dapat ituwid ng mga mambabatas. 


Reporma Lagpas kay Sara! Legislated Wage Hike, Now Na!


Maraming salamat!

No comments: