Monday, April 17, 2017

Mga lehitimong applikante ng NHA housing sa Bulacan, nagrali para aprubahan ang kanilang aplikasyon na nakabinbin mula pa noong 2015



Mahigit 500 lehitimong aplikante ng programang pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Bulacan ang nagrali ngayon sa tanggapan ng NHA sa Balagtas, Bulacan upang hilingin na aprubahan na ang kanilang aplikasyon na nakabinbin sa ahensya mula pa noong Abril 2015.

Ayon kay Ver Estorosas, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) sa Bulacan, dumaan sa tamang proseso ang mga residente ng Bulacan na nasa mga danger zone at may mga banta ng demolisyon para makakuha ng slot sa programang pabahay ng NHA sa Bulacan pero hanggang ngayon, ang naturang aplikasyon ay hindi pa naaksyuan.

Abril 7, 2015 pa umano nagpadala ng endorsement letter sa NHA-Central Luzon ang tanggapan ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado para sa 100 pamilya na inilapit ng PM sa provincial government para sa programang pabahay.  Nasundan ito ng panibagong endorsement letter ng Gobernador para sa panibagong aplikante na 325. Natanggap ang nasabing mga liham ni Efren Dinglasan ng NHA pero nagsabi ito na unahin muna ang aplikasyon ng unang 100.

Noong July 15, 2015, nagkaroon ng dayalogo sa tanggapan ng Gobernador na dinaluhan mismo ng gobernador, at mga kinatawan ng NHA, PM at mga lider ng maralita at dito ay nagkasundo na bigyan ng slots o yunit ang mga nakatira sa danger zones ng Bulacan at agad na mailipat ang unang 100. Sa katunayan ay binigyan na sila ng application forms ng NHA para masimulan na ang proseso.

Ayon kay Estorosas, nasundan pa ito ng ilang pag-uusap hanggang sa inabutan na ito ng eleksyon at pag-upo ng bagong administrasyon.

Hinihiling ngayon g grupo na aprubahan na ang naturang mga aplikasyon dahil bukod sa dumaan ito sa tamang proseso, available at nabubulok na nga ahalos ng mga nakatiwangwang na pabahay sa Bulacan, katulad ng binabanggit ng grupong Kadamay na nagsagawa ng kampanyang okupasyon noong nakaraang buwan.

Dagdag pa ng PM-Bulacan, dapat na ring buksan ang iba pang proyektong pabahay ng NHA sa lalawigan para sa mga lehitimong aplikante kaysa mag-antay na mabulok na lamang ang mga ito ng tuluyan na hindi nalilipatan ng mga totoong benepisyaryo kung meron man.

Nagdududa ang grupo na kaya nakatiwangwang ang libu-libong pabahay ng NHA sa Bulacan ay dahil ayaw itong lipatan ng mga nakatalagang benepisyaryo mula sa Kamaynilaan, walang serbisyo ng tubig at kuryente, at ang malala ay baka umano ginagawang negosyo ng mga opisyal ng ahensya.

Umaasa ang grupo na ang kampanyang isinagawa ng Kadamay ay magbukas ng daan upang ang mga bakanteng pabahay ng NHA sa lalawigan ay mapakinabangan ng mas marami, lalo na ang mga lehitimong aplikante na matagal nang naghihintay na ang kanilang mga aplikasyon ay maaksyunan. Kailangan din umanong repormahin ang sistemang ito para matiyak na ang programang pabahay ay may kasabay na esensyal na serbisyo tulad ng tubig at kuryente.


Nagpahayag din ang grupo na dadalhin din nila ang kanilang hinaing sa Malacanang sakaling hindi aksyunan ng NHA sa Bulacan ang kanilang kahilingan.

17 April 2017

No comments: