Tuesday, April 25, 2017

Maralita ng Bulacan, bumalik sa NHA upang igiit ang aksyon sa kanilang housing applications



Sumugod sa opisina ng National Housing Authority (NHA) sa Bulacan ang humigit-kumulang 500 informal settlers para igiit ang aksyon sa matagal na nilang nakabinbing mga aplikasyon para sa pabahay. Ito ang ikalawang beses na nagrali sa opisina ng NHA sa bayan ng Balagtas ang mga maralitang kasapi ng Partido Manggagawa (PM) at Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP).

Sa dialogue na naganap nitong nakaraang Abril 17 habang nagaganap ang rali ng mga members ng AMP at PM, sinabi ng kinawatan ng NHA na denied ang mga application. Hindi nakumbinsi ang grupo ng mga maralita sa anila’y malabong paliwanag kaya’t humingi si Ver Estorosas, lider ng PM sa Bulacan, konkretong paliwanag sa bawat isang aplikasyon na isinampa. Nagkasundo ang  magkabilang panig sa muling magharap ngayon araw.

Banggit ni Estorosas, “Dumaan sa tamang proseso ang mga residente ng Bulacan na nasa mga danger zone at may mga banta ng demolisyon para makakuha ng slot sa programang pabahay ng NHA sa Bulacan.”

Kahapon ay tumungo sina Estorosas sa opisina ng Gobernador ng Bulacan at sa NHA National upang humingi ng tulong. Noong Marso 23 ay nagpadala na ng sulat ang NHA National sa NHA Bulacan para i-utos ang immediate action sa request ng grupo ni Esterosas.

Dagdag pa ni Estorosas, “Abril 7, 2015 pa nagpadala ng endorsement letter sa NHA-Central Luzon ang tanggapan ni Bulacan Gob. Wilhelmino Alvarado para sa 100 pamilya na inilapit ng PM sa provincial government para sa programang pabahay.  Nasundan ito ng panibagong endorsement letter ng Gobernador para sa panibanong aplikante na 325. Natanggap ang nasabing mga liham ni Efren Dinglasan ng NHA pero nagsabi ito na unahin muna ang aplikasyon ng unang 100.”

“Dahil dito, noong July 15, 2015, nagkaroon ng dayalogo sa kapitolyo na dinaluhan mismo ni Gob. Alvarado, at mga kinatawan ng NHA, PM at mga lider ng maralita at dito ay nagkasundo na bigyan ng housing units ang mga nakatira sa danger zones ng Bulacan at agad na mailipat ang unang 100. Sa katunayan ay binigyan na sila ng application forms ng NHA para masimulan na ang proseso,” ani Estorosas.

Aniya nasundan pa ito ng ilang pag-uusap hanggang sa inabutan na ito ng eleksyon at pag-upo ng bagong administrasyon.

Iginigiit ng PM at AMP ang agarang pag-aruba sa mga aplikasyon dahil bukod sa dumaan ito sa tamang proseso, available at nabubulok na ang mga nakatiwangwang na pabahay sa Bulacan, katulad ng binabanggit ng grupong Kadamay na nagsagawa ng kampanyang okupasyon noong nakaraang buwan.


“Dapat na ring buksan ang iba pang proyektong pabahay ng NHA sa lalawigan para sa mga lehitimong aplikante kaysa mag-antay na mabulok na lamang ang mga ito ng tuluyan na hindi nalilipatan ng mga totoong benepisyaryo kung meron man,” giit ni Estorosas.

25 April 2017

No comments: