Mahigit 500 lehitimong
aplikante ng programang pabahay ng National Housing Authority (NHA) sa Bulacan
ang nagrali ngayon sa tanggapan ng NHA sa Balagtas, Bulacan upang hilingin na
aprubahan na ang kanilang aplikasyon na nakabinbin sa ahensya mula pa noong
Abril 2015.
Ayon kay Ver Estorosas,
tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM) sa Bulacan, dumaan sa tamang proseso
ang mga residente ng Bulacan na nasa mga danger zone at may mga banta ng
demolisyon para makakuha ng slot sa programang pabahay ng NHA sa Bulacan pero
hanggang ngayon, ang naturang aplikasyon ay hindi pa naaksyuan.
Abril 7, 2015 pa umano
nagpadala ng endorsement letter sa NHA-Central Luzon ang tanggapan ni Bulacan
Gov. Wilhelmino Alvarado para sa 100 pamilya na inilapit ng PM sa provincial
government para sa programang pabahay.
Nasundan ito ng panibagong endorsement letter ng Gobernador para sa
panibagong aplikante na 325. Natanggap ang nasabing mga liham ni Efren
Dinglasan ng NHA pero nagsabi ito na unahin muna ang aplikasyon ng unang 100.
Noong July 15, 2015,
nagkaroon ng dayalogo sa tanggapan ng Gobernador na dinaluhan mismo ng
gobernador, at mga kinatawan ng NHA, PM at mga lider ng maralita at dito ay
nagkasundo na bigyan ng slots o yunit ang mga nakatira sa danger zones ng
Bulacan at agad na mailipat ang unang 100. Sa katunayan ay binigyan na sila ng
application forms ng NHA para masimulan na ang proseso.
Ayon kay Estorosas,
nasundan pa ito ng ilang pag-uusap hanggang sa inabutan na ito ng eleksyon at
pag-upo ng bagong administrasyon.
Hinihiling ngayon g
grupo na aprubahan na ang naturang mga aplikasyon dahil bukod sa dumaan ito sa
tamang proseso, available at nabubulok na nga ahalos ng mga nakatiwangwang na
pabahay sa Bulacan, katulad ng binabanggit ng grupong Kadamay na nagsagawa ng
kampanyang okupasyon noong nakaraang buwan.
Dagdag pa ng PM-Bulacan,
dapat na ring buksan ang iba pang proyektong pabahay ng NHA sa lalawigan para
sa mga lehitimong aplikante kaysa mag-antay na mabulok na lamang ang mga ito ng
tuluyan na hindi nalilipatan ng mga totoong benepisyaryo kung meron man.
Nagdududa ang grupo na
kaya nakatiwangwang ang libu-libong pabahay ng NHA sa Bulacan ay dahil ayaw
itong lipatan ng mga nakatalagang benepisyaryo mula sa Kamaynilaan, walang
serbisyo ng tubig at kuryente, at ang malala ay baka umano ginagawang negosyo
ng mga opisyal ng ahensya.
Umaasa ang grupo na ang
kampanyang isinagawa ng Kadamay ay magbukas ng daan upang ang mga bakanteng
pabahay ng NHA sa lalawigan ay mapakinabangan ng mas marami, lalo na ang mga
lehitimong aplikante na matagal nang naghihintay na ang kanilang mga aplikasyon
ay maaksyunan. Kailangan din umanong repormahin ang sistemang ito para matiyak
na ang programang pabahay ay may kasabay na esensyal na serbisyo tulad ng tubig
at kuryente.
Nagpahayag din ang
grupo na dadalhin din nila ang kanilang hinaing sa Malacanang sakaling hindi
aksyunan ng NHA sa Bulacan ang kanilang kahilingan.
17 April 2017