Wednesday, December 31, 2025

Dinanas ng mga Manggagawa ang Krisis sa Gastusin at Katiwalian nitong 2025


Dalawampu’t tatlong bagyo ang tumama sa bansa noong 2025, at ang bagyong Tino ang pinaka-makapinsala lalo na sa dami ng nasawing buhay. Milyun-milyon ang naapektuhan ng matitinding pagbaha sa iba’t ibang lugar dahil sa sunod-sunod na bagyo at ulan. Malinaw itong sumalungat sa ipinagyabang ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address na mahigit 5,000 flood control projects umano ang naipatupad ng kanyang administrasyon. Ang banggaan ng realidad at yabang ang nagpasiklab ng galit ng mamamayan. At sumiklab ang malawakang pagkundena sa korapsyong bumabalot sa pekeng o substandard na flood control projects.

 

Ang iskandalong ito ang nagbunsod ng sunod-sunod na malalaking rali noong Setyembre 21 at Nobyembre 30. Bagama’t mas maliit ang kilos-protesta noong Nobyembre sa NCR kumpara noong Setyembre, mas malawak naman ito dahil maraming lungsod ang nagsagawa ng mga pagkilos. Iba’t ibang sektor ng mamamayan ang galit laban sa korupsiyon ngunit malaking bahagi ng mga pagkilos ay likha ng kilos ng mga estudyante. Sa ganitong diwa, maihahalintulad ang Pilipinas sa mga kilusan sa Indonesia at Nepal kung saan simbolo ang One Piece at isyu ang nepo babies. Natatangi naman ang papel ng Simbahang Katoliko bilang isa sa mga pangunahing tagapag-ugnay at tagapagpakilos ng mga nagpoprotesta—isang kaibahan sa mga anti-korupsiyong pagkilos sa ibang bansa.

 

Natapos ang taon na walang napanagot sa multi-bilyong pisong iskandalo sa flood control. Bagama’t may naibalik na ilang milyong piso at ilang mamahaling sasakyan sa kaban ng bayan, patak lang ito kumpara sa ₱546 bilyon na ginastos para sa halos 10,000 walang kwentang flood control projects mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.

 

Ang pagsabog ng isyu ng korapsyon ay nagdulot ng krisis pampulitika sa administrasyon, na nauwi sa pagbibitiw ng House Speaker na si Martin Romualdez, pinsan ng pangulo. Ibinunyag din ng AFP Chief ang umano’y tangkang suhulan ang ilang heneral upang bawiin ang kanilang suporta sa administrasyon sa gitna ng malawakang anti-korupsiyong pagkilos. Lalong tumindi ang bangayan sa pagitan ng pangulo at bise presidente, habang kapwa sila nasasangkot sa kani-kanilang iskandalo. Para sa maraming Pilipino, ang hidwaang pampulitika ay hindi usapin ng uri o ideolohiya, kundi labanan ng mga dinastiyang pulitikal.

 

Bagama’t may mga manggagawang lumahok sa mga anti-korupsiyong protesta, ito ay bilang mga indibidwal at hindi bilang organisadong puwersa. May inisyatiba naman ang ilang unyon na manawagan ng anti-korupsiyong protesta sa Makati noong unang bahagi ng Nobyembre. Ang mga manggagawa ang labis na nag-aambag ng buwis sa kaban ng bayan—kaya sila rin ang dapat pinaka-apektado ng pagnanakaw at pag-aaksaya sa pambansang badyet. Higit pa rito, ang manggagawa at maralita ang direktang tinatamaan ng epekto ng climate change—mula sa kawalan ng sahod dahil sa bagyo hanggang sa matinding init sa lugar ng trabaho. Gayunman, nananatiling hindi pa ganap na naipapakita ng masa ang kanilang galit sa korupsiyon sa anyo ng lantad at malawakang pagkilos.

 

Habang nananatiling mabibigat na usapin ang tradisyunal na mga kahilingan ng manggagawa gaya ng pagtaas ng sahod at pagwawakas ng kontraktuwalisasyon, hindi pa rin sumasabog ang malawakang pakikibaka, taliwas sa nangyari sa anti-korupsiyong protesta. Kasabay nito, hinarap ng mga Pilipino ang matinding krisis sa gastusin, na sumiklab sa galit ng publiko sa kontrobersiyal na pahayag ng Department of Trade and Industry na sapat na diumano ang ₱500 para sa noche buena. Para sa karaniwang Pilipino, ipinakita ng isyung ito na di kayang sabayan ng sahod at kita ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.

 

Ang krisis sa gastusin ang nagpasulong sa kampanya ng kilusang paggawa para sa legislated wage increase. Sa huling sandali, nagbunga ang panawagan ng paggawa nang ipasa ng Kamara ang panukalang ₱200 dagdag-sahod, ngunit sumalungat ito sa ₱100 na bersyon ng Senado na nakabinbin pa mula 2024. Nabigong pag-isahin ng Kamara at Senado ang dalawang panukala, kaya muling napako sa wala ang mga manggagawa nang magsara ang Kongreso upang magbigay-daan sa bagong halal na lehislatura.

 

Matapos mabigo ang legislated salary hike, nagpatupad ang pitong regional wage boards ng umentong minimum wage na mula ₱20 hanggang ₱60 sa ikalawang kalahati ng 2025. Ngunit kahit ang pinakamataas na buwanang minimum wage sa Metro Manila—batay sa karaniwang 22 araw ng trabaho—ay kulang pa sa kalahati ng tinatayang ₱36,200 living wage ng Asia Floor Wage Alliance, na nakabatay sa 3,000-calorie na pang-araw-araw na pangangailangan. Higit pa rito, ang minimum wage sa lahat ng rehiyon ay mas mababa pa sa mismong poverty threshold ng gobyerno. Ibig sabihin, ang mga minimum wage earner ay nananatiling mahihirap kahit nagtatrabaho. Kaya hindi na kataka-takang sumiklab ang galit ng mga Pilipino nang igiit ng mga awtoridad na sapat na ang ₱500 para sa isang simpleng handang pampasko.

 

Magpapatuloy ang inflation hanggang 2026 at uuk-ukin nito ang sahod ng mga manggagawa at kita ng mga maralita. Mananatiling mataas ang presyo ng langis dahil sa digmaan ng Russia sa Ukraine at sa bagong tensiyong binubuo ng US sa Venezuela. Samantala, patuloy na bubulabugin ng climate change ang produksyon sa agrikultura at industriya, na magtutulak paitaas sa gastos sa produksyon. Dahil dito, mananatiling maiinit na usapin para sa mga manggagawa sa 2026 ang kisis sa korapsyon at gastusin. Kung nais ng tunay na pagbabago, kailangang itaas ng mga manggagawa ang antas ng kanilang kolektibong pagkilos sa darating na taon.

 

Paano papanagutin ang mga opisyal, mambabatas at kontratista sa multi-bilyong pisong katiwalian sa flood control projects? Paano ito mangyayari sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong kasabwat din sa iskandalo? Ito ang patuloy na hamon sa kilusang anti-korupsiyon.

 

Paano malalampasan ng mga manggagawa ang pag-aalinlangan sa bisa ng sama-samang pagkilos? Magagawa bang pukawin at pakilusin ng kilusang paggawa ang milyun-milyong di-organisadong manggagawa upang ipaglaban ang mga kahilingang tulad ng dagdag-sahod at regular na trabaho? Ito ang nananatiling malaking tanong para sa kilusang paggawa.

 

Ipinapakita ng mga anti-korapsyong protesta na hindi sapat ang ingay sa social media—ang malawakang pagkilos sa lansangan lamang ang papansinin ng gobyerno. Tulad ng napatunayan ng mga pakikibaka sa iba’t ibang panig ng mundo, tanging tuluy-tuloy at sama-samang pakikibaka ang makapagdudulot ng pagbabago ng sistema. Ipinapakita ng mga surbey na umaasa ang mga Pilipino sa mas maayos na 2026. Upang maging totoo ang pag-asang ito, kailangan nating gawing new year’s resolution ang sama-samang pagkilos.

No comments: