Tuesday, September 20, 2011

Meralco at munisipyo ng Valenzuela, nilusob ng mga maralita para igiit ang karapatang makabitan ng linya ng kuryente

PRESS RELEASE
Valenzuela Informal Settlers Federation (VISFED)
Partido ng Manggagawa-Valenzuela
20 September 2011

Galit na nilusob ng may 500 pamilya na kabilang sa Valenzuela Informal Settlers Federation (VISFED) ang tanggapan ng Meralco sa may Barangay Malanday, Valenzuela dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin natutugunan ang matagal na nilang kahilingan na makabitan ng linya ng kuryente.

Ayon kay Blanda Martinez, pangulo ng VISFED, ilang taon na nilang hiniling sa Meralco na kabitan sila ng linya ng kuryente at naihanda na nga nila ang lahat ng requirement para dito pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naaksyunan.  

Kabilang sa mga nagprotesta ang mga homeowners association mula sa Chengville, Promiseland, Wawang Pulo, Bagong Nayon, TS Natividad at Assumptionville na matatagpuan sa Barangay Malinta at Barangay Veinte Reales sa lungsod ng Valenzuela.

“Alam namin na kahit kami ay mahirap, karapatan namin na magkaroon hindi lang linya ng kuryente kundi pati ang abot-kayang halaga ng kuryente,” pahayag ni Martinez.

Kung wala umanong koneksyon ng kuryente, apektado maging ang pag-aaral ng mga bata, mas mabigat ang mga gawaing bahay,  at mas malabo ang pag-unlad.

Dagdag pa ni Martinez, “nababalot umano ng kababalaghan” ang mga nangyayari sa branch ng Meralco sa Valenzuela dahil kahit sa kabila ng kanilang compliance sa mga requirements, kabilang ang ability to pay, ay hindi pa rin sila nakakabitan.  Iniutos narin umano ni Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian na kabitan ng kuryente ang naturang mga pamilya pero wala pa ring nangyari. 

Ayon naman kay Partido ng Manggagawa (PM-Valenzuela) spokesman Emmanuel Grefalda na silang tumutulong sa VISFED, nagdududa umano ang mga informal sectors na may sabwatang nagaganap sa pagitan ng Meralco, Urban Poor Affair Office, at Engineering Office ng Valenzuela na hindi kabitan ng kuryente ang sinumang hindi dadaan sa kanilang mga kamay.

Matapos nga ang rally sa Meralco ay dumiretso ang VISFED sa cityhall ng Valenzuela para duon ipagpatuloy ang kanilang protesta.

Sinabi pa ni Grefalda na hindi sila titigil sa protesta hangga’t hindi natutugunan ang kanilang karaingan.

Makikilahok pa nga raw ito sa magaganap na National Day of Protest sa darating na Oktubre 11 laban sa mataas na presyo ng kuryente at pagpapatigil sa pribatisasyon na pangungunahan naman ng Freedom from Debt Coalition.

1 comment:

Unknown said...

Permission to post here, Hi! I'm Nerry from Berkwil Construction Inc.
for Contractor, Interior Design , construction service and supply just visit our website at www.facebook.com/berkwilconstruction or if you want to contact us just dial 455-1621. Thank you :)