Partido ng Manggagawa
September 21, 2011
65 na ang PALEA. Kung ang PALEA ay isang empleyado, umabot na siya sa kanyang mandatory retirement. Maari na siyang magpahinga. At mag-antay na lamang ng pension. Sa mga may regular na trabaho at magandang sweldo, masarap ang pagreretiro matapos ang ilang dekada ng pagtatrabaho.
Pero dahil unyon at hindi naman tao ang PALEA, wala sa kanyang bokabularyo ang pagreretiro. Dahil sa unyonismo, ang pagreretiro ay tanda ng pagkabigo o pagkatalo. At yan ang gustong mangyari ni Lucio Tan sa inyo.
Ang planong outsourcing at kontraktwalisasyon ng PAL ang taktika ni Lucio Tan para sa pwersahang pagpaparetiro sa PALEA. Noon pang 1998 ay ginusto na ni Lucio Tan na magretiro ang PALEA. Hindi nya lang nagawa dahil palaban ang PALEA. Ginawa na nya lahat -- pananakot at panunuhol. Pero nakatindig pa rin ang PALEA. Dahil palaban nga ang PALEA.
Ganunpaman, siguradong paulit-ulit na tatangkain ni Lucio Tan na mawala ang PALEA. Dahil ayaw nya sa PALEA. Dahil ayaw nya sa unyon. Dahil ayaw nya sa palabang manggagawa.
Ayaw ni Lucio Tan sa PALEA dahil ang PALEA ay tagapagtanggol ng regular na trabaho. Ayaw ni Lucio Tan sa regular na trabaho dahil may kaakibat itong security of tenure, magandang sweldo, at iba pang benepisyo na kabawasan sa kanyang tubo. Kaya ayaw ni Lucio Tan sa regular na trabaho ay dahil ayaw nya sa unyonismo. At ayaw nya ng unyon dahil ang unyon ang tagapagtanggol ng inyong regular na trabaho.
Sa madaling salita, ayaw ni Lucio Tan sa inyo!
Ang gusto niya ay naiibang kayo. Gusto niyang baguhin ang inyong pagkatao. Mula regular ay gagawin kayong kontraktwal. Mula PAL employees gagawin kayong agency workers. Ang sahod na trenta mil magiging onse mil. Mula sa pagiging protektado, anumang oras ay maari na kayong tanggalin! AT MAGAGAWA NIYA ITO SA INYO KUNG MAGTATAGUMPAY ANG KANYANG PLANONG OUTSOURCING!
Gusto nyo ba ang ganitong klase ng pagbabago sa buhay nyo?
Ang Partido ng Manggagawa (PM) po ay partido ng pagbabago. Pero hindi sa paraang gusto ni P-Noy at Lucio Tan kundi sa pagbabagong gusto ng manggagawa. Marangal na trabaho. Walang pang-aabuso. Lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.
Kaya’t magsama-sama tayo sa labang ito!
Mabuhay ang PALEA!
Mabuhay ang manggagawang Pilipino!
1 comment:
tang ina! mo lucio tan. demonyo ka! wala kang puso!
Post a Comment