Sa harap ng patuloy na pagtaas ng inflation at
lumalalang cost-of-living crisis, ang dating sahod ay kinain na ng pagtaas ng
presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, upa, at iba pang pangunahing
pangangailangan.
May peace agreement na sa Middle East, pero dito sa
Pilipinas ay wala pa ring “agreement” sa usapin ng sahod. Hindi magkasundo
dahil ayaw ng employers at gobyerno sa sapat at malaking dagdag-sahod na
matagal nang hinihingi ng mga manggagawa.
Habang pinag-uusapan kung magkano lang ang kayang
ibigay sa mga manggagawa, ang presyo ng mga bilihin ay parang missiles na
walang tigil ang lipad—sunod-sunod ang pagsirit at walang pinipiling tamaan.
Ang tunay na epekto nito ay gutom, pangungutang, at patuloy na paghihigpit ng
sinturon ng mga pamilyang manggagawa.
Ang P200 wage increase ay kinakailangang hakbang
upang maibsan ang mabilis na pagbagsak ng purchasing power ng sahod. Ang
ekonomiya ay hindi uunlad kung ang mismong mga lumilikha ng yaman ay patuloy na
binabarat.
Panahon na ring talikuran ang mali at
konserbatibong pananaw na ang disenteng umento sa sahod ay katumbas ng
tanggalan.
Maraming pag-aaral ang nagpapakitang ang mas mataas
na kita ng mga manggagawa ay nagpapalakas ng domestic demand at nagpapasigla sa
lokal na ekonomiya. Ang solusyon ay pagsamahin ang makabuluhang wage increase
at isang industrial at employment strategy na lilikha ng marami at de-kalidad
na trabaho.
Malapit na ang State of the Nation Address (SONA).
Ngunit walang laman ang anumang pahayag tungkol sa pag-unlad kung wala itong
kasamang makabuluhang wage hike at seryosong programa sa employment. Hindi
magiging kumpleto ang SONA kung hindi sasagutin ang pinakamabigat na tanong ng
milyun-milyong manggagawang Pilipino: Paano mabubuhay nang disente ang isang
pamilyang ang sahod ay mas mababa pa sa poverty threshold?
Panahon na para pakinggan ang panawagan ng mga
manggagawa: P200 wage hike ngayon na!
Partido Manggagawa
18 June 2026

No comments:
Post a Comment