𝙋𝙖𝙡𝙖𝙮𝙖𝙞𝙣 𝙖𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙞𝙣𝙖𝙧𝙚𝙨𝙩𝙤 𝙨𝙖 𝙈𝙚𝙣𝙙𝙞𝙤𝙡𝙖,
𝙆𝙖𝙨𝙖𝙢𝙖 𝙣𝙖𝙩𝙞𝙣 𝙨𝙞𝙡𝙖 𝙨𝙖 𝙥𝙧𝙤𝙩𝙚𝙨𝙩𝙖 𝙠𝙤𝙣𝙩𝙧𝙖 𝙠𝙖𝙩𝙞𝙬𝙖𝙡𝙞𝙖𝙣!
Hindi
simpleng kaguluhan ang naganap sa Mendiola kahapon. Ang galit ng kabataan at
mamamayan ay lehitimong tugon sa dekada-dekadang pang-aapi at pangungurakot ng
estado at ng mga kapitalista. Ang kanilang tapang at porma ng protesta, gaano
man katindi o kaiba sa ating nakasanayan, ay bunga ng masidhing kahirapan, ng
tokhang na kumitil sa libo-libong buhay, ng mga demolisyon at pagpapalayas, at
ng sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ngunit
ang tugon ng gobyerno ay karahasan din: mahigit 200 bayolenteng inaresto, ang
ilan pa ay binugbog, pinagpapalo, kabilang ang mga kabataan, habang
binabansagan silang "kriminal", "rioters",
"adik", sa halip na unawain ang kanilang panawagan. Muli, pinili at
pipiliin ng estado ang represyon kaysa sa pagtugon sa mga ugat ng galit at
pagkilos.
Kinukondena
namin ang brutalidad ng pulisya. Dapat palayain ang lahat ng inaresto at
tiyakin ang kanilang karapatan sa legal at medikal na suporta. Ang kanilang
laban ay hindi hiwalay sa laban ng bawat manggagawa’t maralita na araw-araw
inaapi at pinagsasamantalahan sa ilalim ng sistemang ito.
Ipinapaalala
ng Mendiola na hindi indibidwal na kabataan lamang ang galit kundi buong
sambayanang matagal nang tinatalikuran ng gobyerno. Hangga’t nananatili ang
kapangyarihan sa kamay ng iilang mayayaman at dinastiya, mananatiling mitsa ang
galit ng masa.
Patuloy
kaming naninindigan sa ipinaglalaban ng mga kabataan, manggagawa, at maralita
laban sa kahirapan at korapsyon! Repormang pampultika at panlipunan na babaklas
sa dominasyon ng mga pulitiko at kapitalista ang sagot sa problema ng
katiwalian at kahirapan.
1 comment:
Great tip! Food delivery can add up quickly, so finding a Doordash Existing User Promo Code Reddit—like the ones people share on Reddit—is a smart way to save while enjoying your favorite meals.
Post a Comment