Thursday, October 21, 2021

Mga manggagawa, todo puwersa para sa Unang Arangkada ng TROPA


Matapos na magpahayag ng lubos na suporta sa pagkandidato ni Bise Presidente Leni Robredo, nanawagan and Alliance of Labor Leaders for Leni (ALL4Leni) sa mga manggagawa at lahat ng sektor sa buong bansa na lumahok sa Unang Arangkada ng TROPA, isang pambansang pagkilos na nakatakda nitong Sabado ika-23 ng Oktubre, para sa pagkakaisa at pagsuporta sa Team Robredo - Pangilinan (TROPA) para sa darating na eleksyon sa Mayo 2022.

 

Magtititpon-tipon ang grupo ng ALL4Leni 8:00 ng umaga malapit sa ABS-CBN compound sa QC. Mula dito ay susulong ang isang motorcade 9:00 ng umaga, mag-iikot sa QC bago tumungo ng EDSA at sumanib sa iba’t-ibang grupo bandang 11:00 ng umaga sa People Power Monument.

 

Idiniin ni Rene Magtubo, lider ng Partido Manggagawa sa paglulunsad kamakailan ng ALL4Leni, na importante ngayong nahaharap ang bansa sa krisis pang-ekonomiya at panlipunan dala ng pandemya at kapabayaan ng kasalukuyang administrasyon ni Pres. Duterte, ang pagkakaisa at pagsiguro sa tagumpay ng Team Robredo - Pangilinan (TROPA) tungo sa maka-manggagawa at maka-mahirp na pamunuan sa bansa.

 

“Ang TROPA ang magwawakas sa pamahalaan ng paniniil at karahasan, at magbibigay ito ng puwang sa kilusang manggagawa para ipaglaban ang kanilang karapatan,” dagdag pa ni Magtubo.

 

Isinusulong ng ALL4LENI ang pagkandidato sa pagka-senador ni Atty. Sonny Matula, convenor ng Alyansa at isa ring lider manggagawa. Kabilang si Atty. Matula sa sinusuportahan ng ALL4LENI para pagka-Senador na sina Senador de Lima, Hontiveros, at Trillanes, at sina Atty. Chel Diokno ng KANP at Rep. Teddy Baguilat ng LP.

 

Noong Lunes, inilunsad rin ng ALL4Leni ang kanilang billboard sa Bicutan interchange sa South Luzon Expressway (SLEX) na nagsasaad ng kanilang suporta sa Team Robredo - Pangilinan (TROPA) at sa anim na kandidatong nabanggit.

 

Ang iba’t ibang mga grupo mula sa hilaga, timog, at kanlurang bahagi ng Metro Manila ay nakahandang lumahok sa Unang Arangkada ng TROPA, kaalinsabay sa pagkilos ng iba’t ibang boluntaryong grupo sa buong Pilipinas.

 

Naniniwala ang ALL4LENI na ang mga isyu ng ENDO o ilegal na kontraktuwalisasyon at pangangailangan sa P10,000 ayuda sa mga manggagawa at kanilang pamilyang naapektuhan ng pandemya ay dapat mapagtuunan ng pansin bilang pangunahing usapin sa darating na eleksyon. Nauna nang ipinahayag ni Bise Presidente Leni Robredo ang kanyang panawagan para so kongkretong aksyon sa pagwawakas ng ENDO at para sa ayuda sa mga manggagawa sa pamamagitan ng ligtas na transportasyon at paglikha ng ligtas na trabaho at pagawaan. 

ALL4Leni

October 21, 2021


No comments: