Sa unang pagkakataon ay nagsagawa ng unity ride ang mga riders na kababaihan laban sa diskriminasyon na laganap pa rin umanong nararanasan ng kababaihan partikular sa lansangan, trabaho at sa buong lipunan.
Itinaon ang kanilang unity ride na may temang “Women Can Ride” sa bisperas ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kaibabaihan.
Nagsimula ang unity ride Linggo ng umaga, Marso 7, sa Unibersidad ng Pilipinas at nagtapos sa People Power Monument sa Edsa. Pinangunahan ito ng Women’s Collective ng grupong Kapatiran sa Dalawang Gulong o KaGulong.
Ayon kay Jonalyn Batugon, tagapagsalita ng Women’s Collective ng KaGulong, layunin ng kanilang unity ride ang ipahayag ang damdamin ng kababaihang riders sa nararanasan nilang diskriminasyon sa kalsada, sa trabaho, at sa buong lipunan at hilingin sa pamahalaan ang angkop na mga patakaran upang ito ay maibsan.
“Nagmamaneho kami ng motor, o bisekleta. O kaya ay nakaangkas sa aming mga mister o partner para makarating sa trabaho, makapunta sa palengke o saan mang lugar para sa maraming bagay at pangangailangan. Women rider kami, at katulad din ng kalalakihang riders na kalakhan ay manggagawa, nakikipagsapalaran din kami sa mapanganib na lansangan habang nilalabanan ang kahirapan,” pahayag ni Batugon.
Kapansin-pansin na bago pa man magkaroon ng pandemya ay dumarami na ang kababaihang riders at ang paliwanag dito ng KaGulong ay dahil ito sa malubhang krisis sa pampublikong transportasyon, di sapat na sweldo ng manggagawa, mahal na presyo ng mga bilihin, at kakulangan ng trabaho at hanapbuhay sa bansa.
“Mas matipid kaysa sa mamasahe, iwas-balyahan, at iwas-trapik ang pagmomotor. Nakakapag-enjoy pa sa ride kung may pagkakataon. Marami na rin sa amin ay nasa paghahanapbuhay gamit ang motorsiklo,” paliwanag ni Batugon.
Sinabi pa ni Batugon na nararanasan umano nila ang diskriminasyon sa kalsada sa harap ng mga macho at bastos na traffic enforcers, sa kapwa riders, at maging sa mga nakasakay sa apat na gulong. Sa trabaho naman ay marami nang uri ng diskriminasyon ang aming nararanasan tulad ng pahirapan sa hiring at paunahan naman sa tanggalan sa panahon ng krisis katulad ngayon.
“Sa loob ng bahay, ang mga women rider ay gumagampan ng tradisyunal na papel ng babae bilang nanay, yaya, at ngayon ay titser sa mga anak sa offline na pag-aaral,” pagtatapos ni Batugon.
Ang KaGulong ay isang rights-based na samahan ng mga riders kung kayat sa loob ng hanay nito ay nagtayo ito ng Women’s Collective upang harapin ang problema ng diskriminasyon sa kababaihan sa loob at labas ng samahan.
Kapatiran sa Dalawang Gulong
KaGulong
07 March 2021
No comments:
Post a Comment