Apat na krus na sumisimbolo sa mga sularinanin at kahilingan ng maralitang Pilipino ang pinasan ng mga miyembro ng Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP) at Partido Manggagawa (PM) sa kanilang bersyon ng ng “Kalbaryo ng Maralita” na ginanap sa Maynila kaninang umaga.
Nagkita-kita sa ang may 500 myembro ng AMP at PM sa may Sta. Cruz Church sa Maynila dala ang apat na krus na pasan-pasan nila sa ginanap na martsa-prusisyon patungong Mendiola.
Ayon kay Ramil Cangayao, lead convenor at tagapagsalita ng AMP, ang apat na krus ay sumisimbolo sa apat na kahilingan ng maralita tulad ng (1) Disente, abot-kaya at ligtas na komunidad; (2) Trabaho at kabuhayan, (3) Subsidyo sa pagkain, at (3) Universal healthcare
Ayon kay Cangayao, malabong maging ‘predominantly middle class society’ ang Pilipinas sa taong 2040 na siyang ibinibida ng pamahalaan sa Ambisyon Natin 2040 kung mismong pinakabatayang pangangailangan ng mahihirap ay hindi matutugunan tulad ng pabahay, trabaho, pagkain, at kalusugan.
“Mahirap mangarap ng malayo kung ang malapit at kagyat na pangangailangan ay hindi mismo maihakbang. Kung kasali ang maralita sa Ambisyon, kami ang dapat unang makaramdam nito sa kanyang unang mga taon,” sambit ni Cangayao.
Ayon sa AMP, humigit kumulang sa anim (6) na milyon ang housing needs ng mga Pilipino bukod sa mahigit 2 milyong backlog at sa planong Build-Build-Build (BBB) ay hindi naman prayoridad ang abot-kaya at disenteng pabahay sa mahihirap kundi mga big ticket projects tulad ng kalsada, airports, riles, subway, at iba pa na baka maging daan pa sa dislokasyon ng maraming mahihirap na pamilya sa mga tatamaan ng proyekto.
Malawak pa rin umano ang problema sa kawalan at kalulangan ng trabaho at ang laganap na endo sa sektor paggagawa. Hirap na hirap din ang mahihirap sa mataas na presyo ng pagkain at iba pang bilihin na sa halip na bumaba ay lalo pang tumaas dahil sa implementasyon ng TRAIN law.
Gaundin sa problema sa kalusugan dahil kahit umano may anunsyo na hindi tatanggihan ang mahihirap sa mga ospital ay nananatiling mahal ang serbisyong medikal, lalo na ng mga hindi saklaw ng philhealth, insurance, at iba pang ayuda. Kaya hinihiling ng maralita ang universal healthcare o maaring pakinabangan anumang oras at saan man.
Nanawagan ang grupo na unahin ng gubyernong Duterte ang solusyon sa mga nabanggit na problema ng mahihirap kaysa sa interes ng negosyo at mga dayuhang investor na interesado sa BBB ng pamahalaan.
“Ilagay ang pondo ng gubyerno sa pabahay, trabaho, pakain, at kalusugan ng mga Pilipino. Maging ang lokal at dayunang puhununan ay magandang dito rin ilaan,” pagtatapos ni Cangayao.
Marso 27, 2018
Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP)