PRESS RELEASE
9 August 2010
Susugod sa Batasan Complex ang mga empleyado ng Philippine Airlines ganap na ala-una ng hapon mamaya para idulog sa Kongreso ang kanilang mga hinaing laban sa kompanya na pag-aari ni Lucio Tan.
Ayon kay Gerry Rivera, pangulo ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA), idudulog nila sa Kamara ang pinaplanong malawakang tanggalan at kontraktwalisasyon sa PAL kung saan maaring umabot sa 3,000 empleyado ang maapektuhan.
Kasama ng PALEA sa isasagawang pagkilos ang mga kinatawan ng KONTRA, ang alyansa ng ibat-ibang samahan ng manggagawa na lumalaban sa patakaran ng kontraktwalisasyon.
Alas dos ng hapon ay nakatakdang maghain ng resolusyon sa Kamara si Akbayan Representative Arlene “Kaka” Bag-ao kaugnay ng kontraktwalisasyon sa PAL at alas kwatro naman ay magsasagawa ng privilege speech sa parehong isyu ang kinatawan ng Trade Union Congress of the Philippines na si Congresman Raymond Mendoza.
Sinabi ni Rivera na gaya ng reklamo ng mga piloto na downgrading ng kanilang status, ang mga ground crew at flight attendant ng PAL ay nangangamba rin sa kanilang job security dahil balak nang kompanya na magbawas ng empleyado at gawing kontraktwal ang mga regular sa pamamagitan ng isasagawang outsourcing ng ibat-ibang serbisyo ng PAL gaya ng passenger handling, cargo handling, at customer care. Sa mga flight attendants naman ay ibaba sa 40 ang kanilang retirement age, bagay na labis nilang tinututulan.
Lahat umano ng balakin ng kompanya para makawala sa pagkalugi ay pawang kontra sa kapakanan ng manggagawa at tahasang paglabag sa mga istandard ng paggawa na kinikilala ng ating mga batas at international conventions.
Nakakamuhi umanong isipin na habang hinihikayat pabalik ng PAL ang mga nagbitiw na piloto ay sinisipa naman nito palayo ang libu-libo pa nitong empleyado.
Ayon naman kay Judy Ann Miranda, secretary-general ng Partido ng Manggagawa, nararapat lang na makialam ngayon ang Kongreso sa problemang ito, kabaliktaran ng pananahimik nito sa isyu noong1998 nang ipatupad ang iligal na 10 taong moratorium sa CBA ng PALEA at PAL.
Bukas ng umaga ay nakatakda rin umanong magharap sa deparment of labor ang management at mga lider ng Flight Attendants’ and Stewards’ Association of the Philippines (FASAP) para naman sa matagal nang ibinibinbin na CBA negotiations sa kanila ng PAL management.
No comments:
Post a Comment