Press Release
October 29, 2009
Dala ang mga sira-sirang damit at kasangkapan na sumisimbolo sa hagupit ng kalamidad, sinugod nang may-ilang daang biktima ng bagyong Ondoy, ang Mendiola para magprotesta laban sa anila’y mata-pobreng pagtrato sa kanila, palpak na programang pabahay ng pamahalaan, at banta ng pwersahang relokasyon.
Pinangunahan ang kilos-protesta ng mga miyembro ng Partido ng Manggagawa (PM) at Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP) mula pa sa mga lalawigan ng Rizal, Laguna, at Bulacan. Nauna rito ay nagbanta ang pamahalaan na pwersahang aalisin ang mga maralita sa mga itinuturing na danger zone dahil ang mga iligal na istruktura umano ang bumabara sa mga natural na daluyan ng tubig na siyang dahilan ng malawak na pinsala ng mga pagbaha.
Nanawagan ang mga manggagawa at maralita sa pamahalaan na walang pwersahang demolisyon at relokasyon na dapat isagawa hangga’t walang malinaw at makataong paninirahan na maibibigay sa kanila ang pamahalaan.
Ayon kay Renato Magtubo, tagapangulo ng PM, sa halip na idagan ang mata-pobreng panunumbat sa mga maralita na silang mas malagim na biktima ng kalamidad, mas dapat ibangon di lamang ang nasalanta nilang kabuhayan kundi ang kanilang dignidad sa pamamagitan ng tamang pagtrato sa kanila at pagharap sa totoong problemang kanilang kinasadlakan.
Ang totoo umano, ani Magtubo, ay mas malaki ang kontribusyon ng mga industriya, mining companies, at land developers at kapabayaan ng kasalukuyan at dati pang mga pamahalaan sa pagkasira ng kalikasan.
Idinagdag pa ni Magtubo na lagi-laging nahahantong sa “danger zones” ang mga maralita dahil mismo sa klase ng lugar na kanilang kinalalagyan at klase ng materyales na gamit sa kanilang mga bahay. Kahit saan umanong lugar, walang laban sa hangin at baha, maging sa sunog ang mga barung-barong na gawa sa mga light materials. Ito aniya ang paliwanag kung bakit di itinuturing na nasa danger zone ang mga mansyon, malalaking gusali, at palasyo gaya ng Malacanang sa tabi ng mga ilog dahil ligtas ang mga ito kumpara sa mga barung-barong sa tabi ng mga estero.
Ayon naman kay Romeo Cabugnason, pinuno ng AMP, ang ultimong solusyon dito ay seryosong programa para sa desente at ligtas na pabahay, hindi ang paulit-ulit na ‘balik-probinsya’ program, o relokasyon sa mga undeveloped at inhabitable relocation areas gaya ng naging kaso sa Bulacan.
Naniniwala ang PM at AMP na walang mangyayari sa programang rehabilitasyon at rekonstruksyon hangga’t walang ilalaang malaking pondo para dito ang pamahalaan, laluna’t halos 30% ng pondo ng gubyerno ay napupunta lang sa pambayad ng utang.
Kaya nanawagan ang mga ito na itigil muna ang pagbabayad utang at para matugunan ang lahat ng kinakailangang pondo para sa rehabilitasyon at maisakatuparan ang isang bagong programa na tutugon sa malawak na problema ng kawalan ng desente, ligtas na pabahay at makataong pamumuhay.
No comments:
Post a Comment