Press Release
April 29, 2009
Manggagawa nanawagan na ikulong mga kapitalistang abusado kaysa si Jun Lozada
Magsisimula bukas ang paggunita sa Araw ng Manggagawa sa pamamagitan ng isang Lakbayan ng mga manggagawang natanggal sa trabaho at mga maralitang tagalungsod. Ang panawagan ng mga kalahok sa Lakbayan ay “Proteksyon sa manggagawa at maralita, Pagbabago sa ekonomiya at lipunan.”
“Sa halip na si Jun Lozada, mga kapitalistang abusado ang dapat ikulong. Sinasamantala ng maraming kapitalista ang krisis para ibagsak ang proteksyon sa paggawa at wasakin ang mga karapatan ng manggagawa. Hindi papayag ang mga manggagawa na pasanin ang bigat ng krisis na likha ng mga kapitalista,” ani Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido ng Manggagawa (PM).
Mga 1,000 manggagawa at maralita mula sa Calabarzon ang magkikita ng 6:30 n.u. sa Zapote sa boundary ng Las Pinas at Bacoor bilang pagsisimula ng Lakbayan. Magtatagpo sila ng mga lalahok sa Lakbayan mula sa NCR at Bulacan bandang tanghali sa opisina ng HUDCC upang makipag-dialogue sa kahilingang sa moratorium sa demolisyon. Mula doon ay magmamartsa sila tungong opisina ng DOLE para sa dialogue kay Sec. Marianito Roque hinggil sa panawagang ayuda sa mga manggagawa.
“Ang kahilingan para sa proteksyon sa manggagawa at maralita ay unang hakbang lang sa pagtugon sa krisis. Ang susunod na hakbang ay pagbaliktad sa mga patakaran na nagpalala sa krisis. Ito ay ang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na dahilan ng pagguho ng industriya at agrikultura, at pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” dagdag ni Magtubo.
Magdadala ang mga kalahok sa Lakbayan ng mga payong na may nakasulat na “Proteksyon laban sa bagyong pang-ekonomiya.” Nakasulat din ang iba’t ibang konkretong kahilingan tulad ng unemployment insurance, tax refund, universal health care, reporma sa employment program at moratorium sa demolisyon. Bukod sa PM, sasama sa Lakbayan ang grupong Alyansa ng Maralitang Pilipino, Zone One Tondo Organization, Samahang Nagkakaisa ng Cavite, United Cavite Workers Association at Samahan ng Mamamayan ng Calabarzon.
Tinawag ng PM na “bandaid solution” ang planong job fair ng gobyerno sa May 1. “Hindi job mismatch ang problema at hindi job fair ang solusyon sa kawalang-trabaho. Ang ugat ng unemployment sa bansa ay economy mismatch o ang maling patakarang pang-ekonomiya na idinikta ng IMF-WB at WTO sa Pilipinas. Bunga ng globalisasyon, nawasak ang lokal na ekonomiya kaya’t walang disenteng trabaho para sa milyun-milyong Pilipino kasama na ang mga kabataang bagong graduate,” paliwanag ni Magtubo.
No comments:
Post a Comment