PRESS RELEASE
26 July 2010
Walang “boss” na busabos sa daang matuwid!
Ito ang hamong ibinato ng hanay ng manggagawa sa bagong administrasyon kasabay ng kanilang pagmartsa sa kalsada sa okasyon ng unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino III.
Ayon sa Partido ng Manggagawa, dahil idineklara ni P-Noy na “kayo ang aking boss” sa kanyang inaugural speech noong Hunyo 30, umaasa ngayon ang mga manggagawa na malalagyan ito ng laman sa pamamagitan ng seryosong pagharap sa mga problemang pasan-pasan ng naghihirap na mga “boss”.
Sinabi ng tagapangulo ng Partido ng Manggagawa na si Renato Magtubo, walang kahulugan ang salitang “boss” sa ordinaryong manggagawa kung ang buhay nila ay mananatiling busabos dahil sa nararanasang kahirapan at kawalang dignidad sa buhay.
Para umano maramdaman ang pagiging “boss”, ang mga manggagawa ay dapat may regular na trabaho hindi kontraktwal, may sapat na sweldo, may disenteng tirahan, at protektado ang kalusugan.
Kabaliktaran umano ito sa kalagayan nila ngayon dahil bukod sa kawalang trabaho ay mababa rin ang sweldo, kapos ang benipisyo at walang proteksyon dahil kontraktwal ang laganap na trabaho. Wala pa umanong 20% ng mga kapitalista ang sumusunod sa minimum wage habang laganap ang kontraktwalisasyon at ibat-ibang klase ng pang-aabuso sa manggagawa laluna sa mga Export Zones (EPZA) ng Calabarzon at Cebu.
Tanggalan sa PAL
Kabilang sa mga lalahok sa martsa ng PM patungong Batasan ang may 500 empleyado ng PAL na nanganganib masibak sa trabaho kung di mababaliktad ang “midnight decision” na inilabas ng Department of Labor noong June 15, 2010, na nagpapahintulot sa planong spinoff ng ibat-ibang departamento at tanggalan ng libu-libong empleyado ng PAL.
Dala nila ang isang replika ng eroplano ng PAL na may nakasulat na “No to mass layoff of 2,600 PAL employees”.
Ayon kay Gerry Rivera, Pangulo ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA), kung di mababaliktad ang desisyon ng DOLE, bubuksan nito ang pintuan ng lalong pag-abuso sa manggagawa dahil gagawing kontraktwal ang mga regular.
Ang isyu umano ng PAL ay isa sa magiging sukatan kung ang papanigan ng gubyerno ay ang “maliliit na boss” o ang mga “big boss” na kapitalista gaya ni Lucio Tan.
Bagong ekonomiya, makataong pamumuhay
Sinusuportahan din ng Partido ng Manggagawa ang kampanya para sa bagong ekonomiya ng Freedom from Debt Coalition, at Kampanya para sa Makataong Pamumuhay na kumakatawan sa totoong pagbabago na dapat makita ng mamamayan.
Ang mga ito ay ang kampanya para sa trabaho, universal healthcare, moratorium sa demolisyon, at mga pagbabago sa patakarang pang-ekonomiya gaya ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ng industriya at agrikultura, at mga serbisyong panlipunan.