Monday, March 29, 2010

Pagdurusa ng mahihirap ilalahad bukas sa “Kalbaryo ng Maralita”

Radio Release
March 29, 2010


Kahirapan, kagutuman, kawalan ng pabahay at trabaho ang pinatingkad na mga suliranin sa isang “Kalbaryo ng Maralita” na ilulunsad ng militanteng mga grupo bukas ng umaga. “May lagpas 18 milyong maralitang tagalungsod at bawat araw ay lumalaki ang kanilang bilang bunga ng migrasyon mula sa mga probinsya at ng grabeng kahirapan sa kalunsuran,” paliwanag ni Renato Magtubo, tagapangulo ng party-list na Partido ng Manggagawa (PM).

Higit sa 100 kasapi ng PM at Alyansa ng Maralitang Pilipino (AMP) ang sasama sa taunang “Kalbaryo ng Maralita.” Ang AMP ay isang network ng mga samahan ng maralita sa Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog. Ang martsa ay magsisimula ng 9:00 nu sa McDonald’s Kabihasnan sa Parañaque at magtatapos sa Simbahan ng Baclaran bandang alas dose. Magdadala ang ilang militante na mga krus na gawa sa karton at mga koronang tinik na gawa sa papel. Ang programa sa Simbahan ng Baclaran ay itutulad naman sa isang pasyon.

Hinamon ng mga maralita ang mga presidentiables na maglahad ng plataporma na tutugon sa mga karaingan ng maralita. “Sawa na kami sa abstraktong mga islogan tungkol sa pagtatapos ng kahirapan at paglaban sa korupsyon bilang ugat ng kahirapan. Ang gusto namin ay konkretong programa na tutugon sa kawalan ng trabaho, pagkain, pabahay at kita na pasaning mga krus ng mahihirap,” dagdag ni Robert Labrador, isang lider ng AMP.

Sa Kalbaryo ay ilalahad bilang mga sundalong Romano ang mga pulis ng Parañaque at mga gwardya ng Amvel Subdivision habang itutulad sa mga Pariseo si Mike Velarde ng El Shaddai. Pagsasalarawan ito ng serye ng demolisyong naganap kung kailan lamang sa Palasan sa Parañaque, isang komunidad malapit sa lugar na pinagsimulan ng Kalbaryo. Pinangunahan ng mga pulis ng Parañaque at gwardya ng Amvel ang demolisyon habang inaakusahan ng mga residente ng Palasan si Velarde bilang utak ng demolisyon. Ang Amvel ang inamin ni Velarde na siyang dahilan kung bakit ipinalihis niya ang kontrobersyal na C5 extension road.

No comments: