Mga kapatid na manggagawa, mga kababayang Pilipino
Kami ang mga manggagawa ng Giardini del Sole, isa sa pinakamalaking furniture exporter sa bansa. Biktima kami ng malawakang tanggalan at tangkang pagbubuwag ng unyon ng isang Italyanong walang respeto sa batas paggawa ng ating bansa.
Nagpasya kaming magwelga simula sa araw na ito, matapos ang halos isang buwan ng magkahalong protesta at negosasyon, sapagkat naubos na ang mga pamamaraan upang obligahin ang aming management na ipatupad ang kasunduang work rotation sa halip na forced leave ng humigit-kumulang 300 manggagawa mula sa 400 na workforce.
Kung hindi kami nagkakamali ay kami ang unang pakikibaka kontra sa tanggalan na humantong sa welga. Nagwelga na kami sapagkat ito ang kinakailangan upang ipanalo ang aming kahilingang makabalik sa trabaho ang pinakamaraming manggagawa.
Isa itong welga para ipagtanggol ang aming trabaho. Isa itong laban para mabuhay ang aming mga pamilya. Isa itong pakikibaka para sa karapatan ng mga manggagawa.
Naninindigan kaming ang aming laban ay laban ng lahat ng manggagawa. Naniniwala kaming imposible ang panalo kung wala ang suporta ng mga kapatid na manggagawa at kababayang Pilipino, laluna na ang pakikipatiran ng kilusang paggawa.
Malakas ang loob at matigas ang ulo ng aming dayuhang kapitalista. Kahapon ay binoykot ng management ang patawag ng NCMB para sa last-minute settlement ng aming labor dispute. Ayaw nilang ipatupad ang kasunduang work rotation dahil gusto nilang tanggalin sa trabaho ang lahat ng opisyales at miyembro ng bagong-tayong unyon. Noong itinatayo ang unyon noong nakaraang Nobyembre ay nauna nang tinanggal ang president, treasurer at secretary ng unyon. Ngayon naman ginagamit nilang palusot ang krisis para ganap na buwagin ang unyon.
Sa kabila ng lahat ng maniobra ng management ay matagumpay na naparalisa ng welga ang operasyon ng pabrika sapagkat sumuporta ang mga manggagawang di kasapi ng unyon. Nakiisa sila sa welga sapagkat nauunawaan nila ang laban.
Ang aming welga ay ang una subalit hindi ito ang huli. Kaya nakikiisa kami sa kahilingan na magkaroon ng bailout para sa mga manggagawa at maralita na apektado ng krisis. Kaya binabalaan din namin ang mga kapitalista laban sa pananamantala sa krisis upang lusutan ang mga karapatan at istandard sa paggawa.
Handa kaming tapusin ang welga kung makakabalik sa trabaho ang pinakamaraming manggagawang tinanggal. Bukas na bukas din ay maari kaming bumalik sa pabrika pero tanging kung nakataas ang aming noo di nakayuko ang aming mga ulo.
Alam naming darating ang araw na iyong muli kaming makakapagtrabaho nang marangal at may dignidad sapagkat hindi kami iiwan sa laban ng mga kapatid naming manggagawa at mga kababayan naming Pilipino. Maraming salamat.
Ika-3 ng Pebrero 2009
No comments:
Post a Comment