Palakasin ang Kilusang Manggagawa at Maralita
Para Labanan si Gloria at ang Globalisasyon!
Para Labanan si Gloria at ang Globalisasyon!
Nakita natin kahapon kung paano nanindigan at nanawagan ang mga rebeldeng sundalo sa pangunguna ni Sonny Trillanes sa pagpapabagsak kay Gloria at pagbabago ng gobyerno. Subalit nauwi sa kabiguan ang kanilang pagkilos at panawagan. Gaano man kawasto ang kanilang paninindigan, hindi pa rin ito nagtagumpay.
Ito ay panghuli lang sa marami nang pagtatangkang patalsikin ang gobyerno ni Arroyo. Lahat nang ito ay nabigo. Hindi dahil mali ang pagpapabagsak kay Gloria. Pero dahil kapos sa lakas at pwersa ang lahat ng persohe at grupong sumubok at kumilos patalsikin ang gobyernong ito na pahirap at pasaway.
Ang aral na kailangan nating matutunan sa nangyari kahapon ay ito—Wala tayong maaasahan na mga manunubos na mapagpapalaya sa atin. Kailangang palakasin ang kilusang manggagawa at maralita para sumulong ang pakikibaka kay Gloria at sa globalisasyon hanggang sa tagumpay.
Ang aral na kailangan nating matutunan sa nangyari kahapon ay ito—Wala tayong maaasahan na mga manunubos na mapagpapalaya sa atin. Kailangang palakasin ang kilusang manggagawa at maralita para sumulong ang pakikibaka kay Gloria at sa globalisasyon hanggang sa tagumpay.
Ang organisadong kilusan ng manggagawa at maralita ang may kakayahang pangunahan ang laban para patalsikin si Gloria at bakahin ang globalisasyon. Hindi ang mga rebeldeng sundalo gaanoman kadalisay ang kanilang intensyon. Lalong hindi ang mga elitistang pulitiko na karibal ni Gloria. Ang isang malakas na kilusang manggagawa ang pupukaw sa sambayanang Pilipino na bumangon at kumilos para sa pagbabago.
Ilang beses nang sumubok na kumilos ang mga rebeldeng sundalo sa nakalipas na ilang taon. Ilang beses nang nagplanong ipa-impeach ng elitistang oposisyon si Gloria sa kanyang mga kasalanan. Marami beses nang nabigo ang pagtatangka nilang ibagsak si Gloria.
Hindi nila nagawang pukawin at pakilusin ang sambayanang Pilipino na kumilos at lumaban para ibagsak si Gloria at baguhin ang gobyerno. Kung ayaw nating lagi na lang nauuwi sa pagkatalo ang pagtatangkang ibagsak si Gloria, paghandahan nating mabuti ang pakibakang ito at palakasin ang organisadong lakas ng masa.
Malinaw na ang pitong taong karanasan ng pakikibaka kay Gloria—walang shortcut sa pagpapatalsik sa gobyernong ito at hindi maiaasa sa ibang uri’t sektor ang panalo ng labang ito.
Lubos na napakaliit ng organisadong hanay ng kilusang manggagawa at maralita. Kapos ang impluwensya ng militanteng manggagawa at maralita sa malawak na masa. Walang kasinglinaw na kailangang magpalakas bilang paghahanda sa susunod na pampulitikang krisis ng gobyernong Gloria.
Hindi mauubusan ng iskandalo at anomalya ang isang tiwali at ilehitimong gobyernong gaya nang kay Gloria laluna’t namimilipit sa krisis ang sistema sa panahon ng globalisasyon. Kaya’t makakaasa tayo na susulpot at susulpot ang panibagong pampulitikang krisis at susunod na pagkakataong patalsikin si Gloria.
Mga kasamang manggagawa at maralita, paghandaan natin ang panibagong oportunidad sa pagpapatalsik kay Gloria at pagbabago ng sistema sa pamamagitan ng pagpapalakas ng kilusang manggagawa at maralita.
Kailangan nating mag-organisa at magmulat ng mas maraming masa. Pakapalin natin ang organisadong hanay ng kilusang masa. At higit sa lahat, organisahin natin ang mga pakikibakang masa na magpapakilos sa malawak na mamamayan. Pasiklabin natin ang lokal at sektoral na mga laban ng manggagawa’t maralita hindi sa layuning magpropaganda kundi para magwagi. Ibalik natin ang kumpyansa ng mamamayan sa sama-samang pagkilos at walang ibang paraan dito kundi ang mga pakikibakang nanalo at magbibigay ng konkretong pakinabang sa taumbayan.
Tama na ang paghihintay sa mga pagkilos ng rebeldeng militar. Tama na ang pagsakay sa galaw ng mga elitistang karibal ni Gloria. Walang manunubos na magpapalaya sa ating bayan sa kuko ni Gloria at ng globalisasyon. Umasa tayo sa sariling lakas ng kilusang masa. Palakasin natin ang kilusang manggagawa at maralita sapagkat ito ang sandigan ng pakikibaka ng mamamayan para sa pagbabago.