Hindi tayo umaasa sa mga regional wage board. Ang ating panawagan ay ang abolisyon o pagbubuwag sa mga ito.
Sa 17 taon ng pag-iral ng mga regional wage board, barya lamang ang idinadagdag sa minimum na sweldo.
Ang problema sa mga wage board: Hindi na nga across-the-board ang kanilang mga wage order. Hindi pa nila maihabol ang sweldo sa pagtaas ng presyo ng bilihin.
Hindi na nga nila “sinusuklian” ang kontribusyon ng manggagawa sa pambansang ekonomya. Isinaula pa nila ang Konstitusyunal na karapatan para sa living wage – ang sweldo para mamuhay ng disente ang ating mga pamilya.
Kaya naman wala tayong inasahang bago sa magkasunod na wage orders sa Metro Manila at Calabarzon. Tulad ng dati, ang mga manggagawa ay tinuturing na pulubi ng mga wage board sa dalawang rehiyon.
Wage Orders sa NCR at CalabarzonSa NCR, nagbigay ng P12 increase sa minimum wage habang isinama sa basic pay ang P50 COLA sa mga manggagawa sa pribadong sektor. Mula Agosto 28, ang minimum ay tumaas sa P362 mula sa P350 kada araw.
Sa mga probinsya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon, itinaas ang minimum wage mula P10 hanggang P13 noong Setyembre 4. Kung saan, makakatanggap ng P13 ang manggagawa mula sa mga bayan ng Bacoor at Imus sa Cavite, Binan at San Pedro sa Laguna at Cainta at Taytay sa Rizal. Ang arawang minimum na sahod sa mga lugar na ito ay tataas ng P300 mula sa P287.
Barya lamang – P10 hanggang P13 kada araw – ang idinagdag sa dalawang rehiyon na sentro ng industriya’t komersyo sa buong bansa. Hindi pa nga aabot ng isang kilo ng pinakamurang bigas mula sa NFA!
Pero kung nakakainsulto ang ang ganitong pagturing sa mga manggagawa bilang mga pulubing dapat bigyan ng barya, ang mas nakakasuklam ay nagawa pang ipagtanggol ng wage board ang ginawang pandudusta sa dignidad ng manggagawa!?!
Sagot ng NCR Wage Board at ating Reaksyon Dito
Sinagot ni Aida Tolentino-Andres ng Regional Wages and Productivity Board-NCR (Inquirer August 21) ang nalathalang liham ni Ka Rene Magtubo ng PM (Inquirer August 15).
Ayon sa NCR wage board: “hindi totoong konting bahagi lang ng manggagawa ang nakikinabang sa wage order dahil sa maraming mga eksempsyon. (Wage Order 13-NCR, sa partikular)”
Ating komento: Ilan nga ba ang hindi nakikinabang sa mga wage order? At ang kabilang mukha ng tanong na ito, ilang kapitalista ba ang iniligtas ng wage board sa pagbabayad ng minimum wage?
Una, eksempted sa Wage Order #13-NCR ang mga retail and service establishments na nag-eempleyo ng 15 manggagawa – o mas mababa dito.
Kapos ang mga datos ng gobyerno. Pero maari nati itong gamitin para matantya kung ilang manggagawa sa retail and service ang hindi masasaklaw ng Wage Order #13.
Sa buong bansa, mayroong 360,112 retail and service establishments (nag-eempleyo ng bilang na 20 pababa) na may 1,035,321 manggagawa (BLES-DOLE, Nov 15, 2005). Hindi eksakto kung ilan dito ang mula sa NCR.
Ngunit sa buong bansa mayroong 5,788,000 manggagawang nasa retail and service habang 1,015,000 dito ang nasa NCR. (BLES-DOLE, Oct 2004). Nasa 17.54% ang nasa Metro Manila.
Kung gayon, maaring ipagpalagay na – sa kabuuang 360,112 retail and service establishments (nag-eempleyo ng bilang na 20 pababa) na may 1,035,321 manggagawa sa buong bansa – 17.54% o 63,164 establisyemento at 181,595 manggagawa ang mula sa NCR na hindi saklaw ng wage order!
Ikalawa, eksempted din sa wage order ang mga manggagawang nasa personal na empleyo ng ibang tao gaya ng mga kasambahay at mga family driver. Nasa 10% ng kabuuang sahurang manggagawa sa Pilipinas ang nasa ganitong kategorya, na nangangahulugan ng 210,000 manggagawa sa NCR (10% ng 2.1 milyong manggagawa sa NCR, batay sa datos ng wage board).
Ikatlo, eksempted din sa wage order ang mga maliliit na empresa sa manupaktura na may sampu (10) pababang manggagawa, ganundin ang mga barangay micro business enterprises. 90% ng mga namumuhanan sa bansa ang nasa ganitong kategorya na nag-eempleyo ng 1/3 o 33% ng lahat ng manggagawang sa bansa. Ganitong porsyento ay maaring aplikable din sa NCR.
Ayon sa NCR wage board: “noong 2006, sa kabuuang 199,395 establisyemento s
a NCR, 225 lamang ang nag-file ng aplikasyon para sa eksemption sa Wage Order-12.”
Ating komento: Sa NCR, mayroong 2,943 establisyemento nasa manupaktura na nag-eempleyo ng higit sa 20 manggagawa. Ang mga ito ay nag-eempleyo ng 1,026,631 manggagawa. Kung 225 empresa o 7.6% ang naghain ng eksempsyon, ibig sabihin, may 80,000 manggagawa ang pinagkaitan sa nakaraang wage order! At hindi pinakita ng NCR wage board kung ilan ang kompanyang naghain para sa deferment (ibig sabihin, hihingi sila ng palugit na isang taon) imbes na eksempsyon. Ang lakas ng loob ng NCR na ipagyabang na nakinabang ang manggagawa sa kanilang pag-aabuloy ng barya sa mga manggagawa!
Ayon sa NCR wage board, “Isang mahirap na proseso ang minimum wage-fixing. Dapat ikonsidera ang interes ng manggagawa, kapitalista at gobyerno.. Maling sabihin na ang cost of living ay P786 kada araw. Ang halagang ito ay ang family living wage sa NCR ayon sa National Wages and Productivity Commission, dapat itong pag-ibahin sa minimum wage”.
Ating komento: Ang sahod ay presyo ng isang kalakal – ang lakas-paggawa – ang bahagi ng ating buhay na ating isinasakripisyo para mabuhay. Magkano ang presyo ng lakas-paggawa?
Para masagot ang tanong na ito, kailangang tingnan kung paano nga ba tinatakda ang presyo o halaga ng mga lahat ng kalakal sa lipunan? Sa pinakasimple, ang presyo ng kalakal ay binubuo ng gastos sa produksyon (cost of production) at tubo ng kapitalista.
Ngayon, ano ang gastos sa produksyon ng sahod? Ito ay walang iba kundi ang gastusin ng manggagawa para siya ay mabuhay at makapagtrabaho – ibig sabihin, mga gastusin para sa pagkain at nutrisyon, maayos na tirahan (kasama ang tubig at kuryente), kalusugan, at damit.
At hindi lamang ito, kailangang tumbasan din ng sahod ang susunod na henerasyon ng manggagawa, ibig sabihin, kasama dito ang gastusin para sa edukasyon ng mga anak ng manggagawa.
Ang kabuuang halagang ito (gastusin para sa disenteng pamumuhay ng manggagawa at ang kanyang pamilya) ay ang living wage. O para sa NCR wage board, family living wage.
Ito ang tamang presyo ng lakas-paggawa. Hindi natin na tayo ay tumubo kapalit ng ating paggawa. Ang kailangan natin ay mabuhay. At mabuhay ng disente’t marangal! Hindi pa dahil sa moralistang mga istandard. Umaayon lamang tayo sa batas na halaga (law of value) ng mga kalakal. Kung ang mga kalakal ay pinepresyuhan batay sa “cost of production”, ang ating lakas-paggawa ay dapat na katumbas ng “cost of living”.
Ang halagang ito ang dapat na tumbasan ng walong oras na pagtatrabaho. Ang living w
age ang dapat na minimum wage. Walong oras na paggawa kapalit ng living wage sapagkat ang unibersal na istandard ng regular na araw-paggawa ay walong oras – isang batas na kinikilala sa mundo matapos ang mahigit isang siglong pakikibaka ng kilusang paggawa.
Narito ang paglalaro ng salita ng NCR wage board. Tinatawag nila itong “family living wage” dahil ito raw ang kita o income ng isang pamilya.
Ngunit kung dalawa o tatlo sa isang pamilya ng manggagawa ang magtatrabaho para kitain ang living wage, ibig sabihin, hindi na kinikilala ng gobyerno ang 8-hour working day na kanyang pinirmahan sa United Nations (UN) at sa International Labor Organization (ILO).
Bukod dito, nangangahulugan din ito ng “baratilyo” para sa manggagawa. Sapagkat para kitain ang living wage – na tamang presyo ng 8 oras na paggawa – ang isang pamilya ay magbubuwis ng 24 oras (kung tatlo ang magtatrabaho). Ibig sabihin, naganap ang transaksyong “buy 1, take 3” kapalit ng living wage!
Ngayon, kung ayaw tayong pakinggan ng gobyerno, sipiin natin ang Laborem Exercens – isa sa mga social encyclical ng Simbahang Katoliko (lalupa’t ipinagmamalaki ng gobyerno ang pagiging predominantly Catholic ng ating bansa!).
Ayon sa Laborem Exercens, “Ang makatuwirang kapalit sa trabaho ng isang taong responsible sa kanyang pamilya ay nangangahulugan ng sahod na sapat para imintina ang isang pamilya at upang bigyan ng katiyakan ang kanilang kinabukasan.”
Ituloy natin: “Ang sahod na ito ay maaring ibigay bilang family wage – ibig sabihin, isang sweldo na ibibigay sa nagtatrabaho sa pamilya kapalit ng kanyang trabaho, sapat para sa pangangailangan ng pamilya upang ang kanyang kabiyak ay hindi na maghanap ng ibang trabaho sa labas ng bahay – o sa pamamagitan ng ibang batas o patakarang panlipunan na magbibigay ng family allowances…”
Mga Paraan para maging Living Wage ang Minimum Wage
Para makamit ang living wage, kailangang ilagay sa tamang batayan ang pagtatakda ng sweldo. Ito ay ayon sa Saligang Batas na kumikilala sa living wage bilang karapatan ng manggagawa. Sumusunod din ito sa pang-ekonomikong batas ng halaga (law of value) na nagsasabing ang sahod ay dapat na katumbas ng cost of living.
Ang ligal na balakid para magawa ito ay ang Republic Act 6727 (Minimum Wage Determination Act) na ipinuslit ang “employers’ capacity to pay” sa batayan ng pagtatakda ng minimum wage, at lumikha sa mga regional wage board.
Gayon, dapat ibasura ang RA 6727 upang mailagay sa tamang batayan ang pagtatakda ng sweldo. Kailangan itong palitan ng isang batas na magbibigay-katuparan sa Konstitusyunal na karapatan para sa living wage – isang enabling law – na magpapatupad sa probisyon ng Saligang Batas.
Para sa atin, iisa lamang ang batayan ng pagtatakda ng minimum wage - ang pangangailangan para mabuhay ng disente ang pamilya ng manggagawa.
Ngunit hindi ito nangangahulugang hindi natin kinukunsidera ang mga kapitalista at ang gobyerno. Gaya ng pagtatakda sa presyo ng ibang mga kalakal, ang numero unong konsiderasyon ay ang cost of production ngunit ang presyo ay maaring magbago depende sa hinihingi ng mga buyer.
Kaya naman, tinitingnan natin ang ibang mga paraan sa pagtutumbas ng sahod sa living wage kasabay ng direktang wage increase. Sa praktikal, para abutin ang living wage na P768 kada araw sa pamamagitan lamang ng direktang umento, kailangang dagdagan ng P404 ang umiiral na daily minimum na P362!
Maliban sa wage increase, mayroon pang iba pang paraan ng pagtataas ng take-home pay, kasama dito (1) ang tax exemption sa mga sumesweldo ng mas mababa sa living wage, (2) ang pagkargo ng gobyerno at employer sa mga kontribusyon ng manggagawa sa SSS, GSIS, Philhealth, at Pag-ibig, (3) pagbibigay ng price discount sa manggagawa tulad ng naibibigay nito ngayon sa mga senior citizen.
Para abutin ng minimum wage ang cost of living o living wage, dapat ding seryosohin ng gobyerno ang pagpapababa sa presyo ng iba’t ibang kailangan ng pamilya ng manggagawa tulad ng pagkain, gamot, edukasyon, tirahan, kuryente, tubig, atbp. Maliban pa sa paglalaan ng pondo para maibigay ito ng libre sa mamamayan bilang serbisyong panlipunan. #