Dalawampu’t tatlong bagyo ang tumama sa bansa noong 2025, at
ang bagyong Tino ang pinaka-makapinsala lalo na sa dami ng nasawing buhay.
Milyun-milyon ang naapektuhan ng matitinding pagbaha sa iba’t ibang lugar dahil
sa sunod-sunod na bagyo at ulan. Malinaw itong sumalungat sa ipinagyabang ni
Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address na mahigit
5,000 flood control projects umano ang naipatupad ng kanyang administrasyon.
Ang banggaan ng realidad at yabang ang nagpasiklab ng galit ng mamamayan. At
sumiklab ang malawakang pagkundena sa korapsyong bumabalot sa pekeng o substandard
na flood control projects.
Ang iskandalong ito ang nagbunsod ng sunod-sunod na
malalaking rali noong Setyembre 21 at Nobyembre 30. Bagama’t mas maliit ang
kilos-protesta noong Nobyembre sa NCR kumpara noong Setyembre, mas malawak
naman ito dahil maraming lungsod ang nagsagawa ng mga pagkilos. Iba’t ibang
sektor ng mamamayan ang galit laban sa korupsiyon ngunit malaking bahagi ng mga
pagkilos ay likha ng kilos ng mga estudyante. Sa ganitong diwa, maihahalintulad
ang Pilipinas sa mga kilusan sa Indonesia at Nepal kung saan simbolo ang One
Piece at isyu ang nepo babies. Natatangi naman ang papel ng
Simbahang Katoliko bilang isa sa mga pangunahing tagapag-ugnay at
tagapagpakilos ng mga nagpoprotesta—isang kaibahan sa mga anti-korupsiyong
pagkilos sa ibang bansa.
Natapos ang taon na walang napanagot sa multi-bilyong pisong
iskandalo sa flood control. Bagama’t may naibalik na ilang milyong piso at
ilang mamahaling sasakyan sa kaban ng bayan, patak lang ito kumpara sa ₱546
bilyon na ginastos para sa halos 10,000 walang kwentang flood control projects
mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
Ang pagsabog ng isyu ng korapsyon ay nagdulot ng krisis
pampulitika sa administrasyon, na nauwi sa pagbibitiw ng House Speaker na si
Martin Romualdez, pinsan ng pangulo. Ibinunyag din ng AFP Chief ang umano’y
tangkang suhulan ang ilang heneral upang bawiin ang kanilang suporta sa
administrasyon sa gitna ng malawakang anti-korupsiyong pagkilos. Lalong tumindi
ang bangayan sa pagitan ng pangulo at bise presidente, habang kapwa sila
nasasangkot sa kani-kanilang iskandalo. Para sa maraming Pilipino, ang hidwaang
pampulitika ay hindi usapin ng uri o ideolohiya, kundi labanan ng mga
dinastiyang pulitikal.
Bagama’t may mga manggagawang lumahok sa mga
anti-korupsiyong protesta, ito ay bilang mga indibidwal at hindi bilang
organisadong puwersa. May inisyatiba naman ang ilang unyon na manawagan ng
anti-korupsiyong protesta sa Makati noong unang bahagi ng Nobyembre. Ang mga
manggagawa ang labis na nag-aambag ng buwis sa kaban ng bayan—kaya sila rin ang
dapat pinaka-apektado ng pagnanakaw at pag-aaksaya sa pambansang badyet. Higit
pa rito, ang manggagawa at maralita ang direktang tinatamaan ng epekto ng
climate change—mula sa kawalan ng sahod dahil sa bagyo hanggang sa matinding
init sa lugar ng trabaho. Gayunman, nananatiling hindi pa ganap na naipapakita
ng masa ang kanilang galit sa korupsiyon sa anyo ng lantad at malawakang
pagkilos.
Habang nananatiling mabibigat na usapin ang tradisyunal na
mga kahilingan ng manggagawa gaya ng pagtaas ng sahod at pagwawakas ng
kontraktuwalisasyon, hindi pa rin sumasabog ang malawakang pakikibaka, taliwas
sa nangyari sa anti-korupsiyong protesta. Kasabay nito, hinarap ng mga Pilipino
ang matinding krisis sa gastusin, na sumiklab sa galit ng publiko sa
kontrobersiyal na pahayag ng Department of Trade and Industry na sapat na
diumano ang ₱500 para sa noche buena. Para sa karaniwang Pilipino, ipinakita
ng isyung ito na di kayang sabayan ng sahod at kita ang patuloy na pagtaas ng
presyo ng bilihin.
Ang krisis sa gastusin ang nagpasulong sa kampanya ng kilusang
paggawa para sa legislated wage increase. Sa huling sandali, nagbunga ang
panawagan ng paggawa nang ipasa ng Kamara ang panukalang ₱200 dagdag-sahod,
ngunit sumalungat ito sa ₱100 na bersyon ng Senado na nakabinbin pa mula 2024.
Nabigong pag-isahin ng Kamara at Senado ang dalawang panukala, kaya muling
napako sa wala ang mga manggagawa nang magsara ang Kongreso upang magbigay-daan
sa bagong halal na lehislatura.
Matapos mabigo ang legislated salary hike, nagpatupad ang pitong
regional wage boards ng umentong minimum wage na mula ₱20 hanggang ₱60 sa
ikalawang kalahati ng 2025. Ngunit kahit ang pinakamataas na buwanang minimum
wage sa Metro Manila—batay sa karaniwang 22 araw ng trabaho—ay kulang pa sa
kalahati ng tinatayang ₱36,200 living wage ng Asia Floor Wage Alliance, na
nakabatay sa 3,000-calorie na pang-araw-araw na pangangailangan. Higit pa rito,
ang minimum wage sa lahat ng rehiyon ay mas mababa pa sa mismong poverty
threshold ng gobyerno. Ibig sabihin, ang mga minimum wage earner ay nananatiling
mahihirap kahit nagtatrabaho. Kaya hindi na kataka-takang sumiklab ang galit ng
mga Pilipino nang igiit ng mga awtoridad na sapat na ang ₱500 para sa isang
simpleng handang pampasko.
Magpapatuloy ang inflation hanggang 2026 at uuk-ukin nito ang
sahod ng mga manggagawa at kita ng mga maralita. Mananatiling mataas ang presyo
ng langis dahil sa digmaan ng Russia sa Ukraine at sa bagong tensiyong binubuo
ng US sa Venezuela. Samantala, patuloy na bubulabugin ng climate change ang
produksyon sa agrikultura at industriya, na magtutulak paitaas sa gastos sa
produksyon. Dahil dito, mananatiling maiinit na usapin para sa mga manggagawa
sa 2026 ang kisis sa korapsyon at gastusin. Kung nais ng tunay na pagbabago,
kailangang itaas ng mga manggagawa ang antas ng kanilang kolektibong pagkilos
sa darating na taon.
Paano papanagutin ang mga opisyal, mambabatas at kontratista
sa multi-bilyong pisong katiwalian sa flood control projects? Paano ito
mangyayari sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong kasabwat din sa iskandalo?
Ito ang patuloy na hamon sa kilusang anti-korupsiyon.
Paano malalampasan ng mga manggagawa ang pag-aalinlangan sa
bisa ng sama-samang pagkilos? Magagawa bang pukawin at pakilusin ng kilusang paggawa
ang milyun-milyong di-organisadong manggagawa upang ipaglaban ang mga kahilingang
tulad ng dagdag-sahod at regular na trabaho? Ito ang nananatiling malaking
tanong para sa kilusang paggawa.
Ipinapakita ng mga anti-korapsyong protesta na hindi sapat
ang ingay sa social media—ang malawakang pagkilos sa lansangan lamang ang papansinin
ng gobyerno. Tulad ng napatunayan ng mga pakikibaka sa iba’t ibang panig ng
mundo, tanging tuluy-tuloy at sama-samang pakikibaka ang makapagdudulot ng
pagbabago ng sistema. Ipinapakita ng mga surbey na umaasa ang mga Pilipino sa
mas maayos na 2026. Upang maging totoo ang pag-asang ito, kailangan nating
gawing new year’s resolution ang sama-samang pagkilos.



