Lumusob ang may 100 pamilya sa tanggapan ng National Housing
Authority sa San Jose Del Monte Bulacan upang hilingin sa ahensya na ipagkaloob
na ang matagal na nilang hinihintay na pabahay sa mga katulad nilang
naninirahan sa tinatawag na danger zone o mga lugar na hindi ligtas sa pinsala
ng mga sakuna katulad ng pangpang ng ilog o mabababang lugar na madalas
binabaha.
Nais ng mga ito na muling makipagdayologo sa mga opisyal ng
NHA sa rehiyon upang alamin ang mga hakbang na gagawin matapos ang ilang taong pag-uusap
tungkol sa kanilang kahilingan. Ang grupo ay kinabibilangan ng mga kasapi ng
Partido Manggagawa (PM) at Alyansa ng Maralitang Pilino (AMP).
Ayon Kay Ver Estorosas, Pangulo ng PM at lider din ng AMP,
2017 pa umano nagkaroon ng mga dayologo sa kanilang kahilingan subalit hanggang
ngayon ay wala pa umanong linaw mga hakbang para sa kanilang paglilipatan.
“Umabot na nga ang aming pakikipag-usap hindi lamang sa NHA
kundi sa Kapitolyo at Senado. Sa katunayan ay may mga ilang nailatag nang
resolusyon na napag-usapan kaharap si former Gov. Willy Alvardo ng Bulacan at
noo’y Housing Committee Chair ng Senado na si Sen. JV Ejercito,” pahayag ni
Estorosas, subalit wala umanong iniuusad sa antas ng NHA kung kaya’t idinadaan
nila itong muli sa protesta.
Darating na naman aniya ang tag-ulan at panahon ng bagyo at
mahaharap na naman sila sa panganib gayong may mga paraan nang natukoy noon
para sa unti-unting relokasyon (by batches) ng nakalistang mga pamilya sa mga
proyektong pabahay ng pamahalaan.
“Bukod sa panganib ay hindi rin kami makapirmi sa aming
paghahanapbuhay dahil sa iregularidad ng aming kalagayan kaya’t doble namang
titinitiis ang hirap ng buhay at kawalang katiyakan sa paninirahan,” dagdag pa
ni Estorosas.
Nakisaup sa NHA, sa provincial government, at maging sa
Kongreso na magtulung-tulong na para maihakbang at ganap nang masolusyonan ang
kanilang kahilingan.
At bilang bahagi ng uring manggagawa, ang PM at AMP ay sasabay din sa selebrasyon ng Mayo Uno sa Maynila sa darating na Lunes upang makilahok sa panawagang dadag na sahod, regular na trabaho, at karapatan ng manggagawa at maralita.
PRESS RELEASE
Partido Manggagawa
Alyansa ng Maralitang Pilipino
28 April 2023
Contact:
Ver Estorosas
PM/AMP – Bulacan
09423690337
No comments:
Post a Comment