Suportado ng
Partido Manggagawa (PM) ang petisyon ng Kapatiran ng mga Unyon at Samahang
Manggagawa o Kapatiran para sa ₱200 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa
sa National Capital Region (NCR), kasabay ng panawagan sa Regional Tripartite
Wages and Productivity Board na agarang aksyunan ito sa harap ng tumitinding
krisis sa kabuhayan.
Sa harap ito ng
isinagawang public consultation ng NCR Regional Wage Board kaugnay ng mga
petisyon sa dagdag sahod.
Ayon sa PM, ang
hinihinging dagdag-sahod ay hindi luho kundi kinakailangang hakbang upang
maibalik ang nawalang halaga ng sahod dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng
langis, pagkain, kuryente, at pamasahe bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
“Ang ₱200 wage
hike ay hindi sobra. Ito ay pagbawi lamang sa nawalang halaga ng sahod ng
manggagawa matapos ang sunud-sunod na taas-presyo. Nagkaputukan sa Middle East,
nagtaasan ang presyo sa Pilipinas, pero ang minimum wage earners ay pinabayaang
magtiis,” pahayag ni Renato Magtubo, chairperson ng Partido Manggagawa.
“Under attack
ang kabuhayan ng manggagawa kaya dapat mabilis ang tugon ng wage board. Kapag
mabilis tumaas ang presyo, dapat mabilis din ang dagdag-sahod.”
Ipinaliwanag ng
PM na ang kasalukuyang minimum wage na ₱695 sa NCR ay hindi na sapat upang
tugunan ang araw-araw na gastusin ng isang pamilyang manggagawa. Batay sa
consumer price index (CPI) ng NCR na nasa 131.2 noong Abril, bumagsak na sa
humigit-kumulang ₱530 ang tunay na halaga ng minimum wage, katumbas ng mahigit
₱165 wage loss kada araw. Dagdag pa rito, tinatayang mahigit ₱1,200 kada araw
ang kinakailangan ng isang pamilyang may limang miyembro upang mabuhay nang
disente sa NCR.
Binigyang-diin
din ng Partido Manggagawa na ang pagtaas ng sahod ay hindi lamang usapin ng
social justice kundi isang makatuwirang patakarang pang-ekonomiya. Anila, ang
mas mataas na kita ng manggagawa ay direktang napupunta sa konsumo tulad ng
pagkain, transportasyon, edukasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan, na
nagpapalakas sa lokal na negosyo at ekonomiya. “Ang manggagawa ay hindi lamang
producer kundi konsyumer din. Kapag may kakayahan silang gumastos, umiikot ang
ekonomiya, lumalago ang negosyo, at dumarami ang trabaho,” ani Magtubo.
Sa huli, nanawagan ang Partido Manggagawa sa wage board na dinggin ang hinaing ng milyun-milyong manggagawa at ipagkaloob ang ₱200 dagdag-sahod bilang makatarungan at agarang tugon sa krisis sa kabuhayan. “Hindi limos ang hinihingi ng manggagawa. Ang hinihingi niya ay living wage na nakasaad mismo sa Konstitusyon—isang sahod na magbibigay dignidad sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya,” pagtatapos ni Magtubo.
Photos at https://www.facebook.com/partidomanggagawa/posts/pfbid0M9Z9hJdzjb9koxNBL4jbFoGxFVHKHQBADZS5Qno4MfnxV6JgLK8g9d1J9q9EgB6pl
PRESS RELEASE
Partido Manggagawa
22 May 2026
No comments:
Post a Comment