Photo from Bureau of Fire Protection Central Luzon
Kinokondena ng Partido Manggagawa sa Central Luzon ang
naganap na trahedya ng pagguho ng itinatayong gusali sa bahagi sa Pampanga kung
saan dalawa na ang kumpirmadong patay.
Ayon sa huling mga ulat, 26 pa lamang sa mahigit 40
katao na pinaniniwalang na-trap sa gumuhong gusali ang na-rescue.
“Malinaw na may pananagutan dito ang may-ari,
kontraktor, DOLE, at maging ang lokal na pamahalaan, dahil ito ay malinaw na
kapalpakan, bukod sa kapabayaan sa occupational health and safety (OSH) standard
na dapat pinaiiral sa lahat ng workplace, lalo na sa construction sites,”
pahayag ni Ver Estorosas, tagapangulo ng Partido Manggagawa sa Bulacan.
Pangunahin aniyang layunin ng OSH law na pigilan ang
workplace accidents sa manggagawa kaya nangangahulugan ito ng regular na
inspeksyon lalo na mga construction sites.
Dapat magkatulong ang DOLE at LGUs sa enforcement ng
OSHS standards sa kanilang nasasakupan dahil ang aksidente ay palaging risko sa
construction sites.
“Pero kung parehong natutulog sa pansitan, ang
kapahamakan ng manggagawa ay palaging naisusugal,” dagdag pa ni Estorosas.
Nananawagan din ang PM sa mabilisang imbestigasyon sa
naging sanhi ng aksidente, gayundin sa agarang medikasyon at kompensasyon para
sa mga biktima.
Nangangamba rin ang grupo na kung walang SSS coverage
ang construction workers dito, na siyang kalakaran sa industriya, hindi sila
masasaklaw ng benepisyo ng Workmen’s Compensation Act.
“Ang kawalan ng SSS at iba pang benipisyo ng
manggagawa sa konstruksyon ay dagdag na pananagutan sa batas ng mga employer,”
diin ni Estorosas.
PRESS STATEMENT
Partido Manggagawa-Bulacan
25 May 2026
No comments:
Post a Comment