Monday, April 28, 2025

Ibandila ang dagdag sahod at agenda ng manggagawa sa darating na Labor Day

 


Papatindi ang pagdarahop na dinaranas ng masang Pilipino sa harap ng maka-mayaman at maka-dayuhang patakaran ng gobyerno at sa gitna ng away ng naghaharing uri para sa poder pampulitika. Sinasalamin ito ng naglabasang mga survey nitong nakaraang mga araw na naglalantad sa lagay ng buhay ng masa. Lagpas isa sa bawat apat na pamilyang Pilipino ay walang makain—pinakamataas mula sa rurok na inabot noong pandemya. Lagpas kalahati naman ng mga pamilya ang itinuturing ang kanilang sarili na naghihirap—pinakamataas sa nakalipas na 21 taon.

 

Pinabubulaanan nito ang magagarang datos ng gobyerno. Kesyo napakaliit na ng inflation rate. Diumano napakababa na ang bilang ng walang trabaho. Hirap at gutom ang masa dahil ang minimum wage—sa kabila ng taunang pagtaas—ay mas mababa pa sa official poverty threshold. Hirap at gutom ang masa dahil endo ang pangkaraniwang trabaho. Hirap at gutom ang masa dahil ang serbisyo publiko gaya ng Philhealth ay kinakatkong para pondohan ang ayuda na pinamumudmod ng mga trapo.

 

Para makaahon sa gutom at hirap, kailangan ng pagbabago. Unahin ang manggagawa kaysa kapitalista. Itaas ang sahod at gawing regular ang trabaho. Pondohan ang serbisyo publiko bilang karapatan. Igalang ang karapatan ng manggagawa na mag-unyon at makipagnegosasyon sa kompanya para pagandahin ang kondisyon sa paggawa.

 

Wala tayong maasahan sa wage board na paborito ng mga kapitalista dahil laging barat ang provincial rate na binibigay. Sa halip, dapat isabatas ng umento sa sweldo. Sa Senado ay matagal nang pasado ang P100 dagdag sahod. Sa House of Representatives ay pumasa naman ang P200 umento. Basbas na lang ni Pangulong BBM ang kailangan para maging batas ang panukala.

 

Sa Labor Day, sa Araw ng Manggagawa, igiit natin ang agenda ng obrero: dagdag-sahod, regular na trabaho, serbisyo publiko at murang presyo. Unang hakbang ang mga ito para sa pag-alwan ng buhay ng masa. Panimulang mga hakbang ito tungo sa pagbabago ng maling sistemang umiiral.

 

Sa nakaraang dalawang taon ay saksi tayo sa away ng dalawang higanteng dynasty—ang mga Marcos at Duterte—para sa kapangyarihan na kurakutin ang kabang yaman ng bansa. Sa nakalipas na mga buwan ay saksi tayo sa paligsahan sa eleksyon ng mga trapo na puro porma at walang plataporma.

 

Tama na ang budots at budol ng mga dynasty at trapo. Oras na para tugunan ang hinaing at hiling ng mga manggagawa at mahihirap. Samantalahin natin ang Labor Day para imarka ang independyenteng boses at agenda ng uring manggagawa.

 

Sa NCR, habulin nating mabuo ang pagsasama-sama ng labor groups sa kabila ng kani-kaniyang kandidatong pinatatakbo. Ang plataporma ng manggagawa bilang sagot sa hirap at gutom ay sapat na rason para magkaisa ang magkakaibang grupo. Sa mga rehiyon, kumporme sa sitwasyon kung mabubuo ang kahalintulad na pagsasama. Saanmang lugar, tiyakin ang unipikasyon ng ating hanay sa batayan ng mga kahilingan ng mga manggagawa para sa masiglang paglahok sa mobilisasyon. Siguraduhing makadalo ang bagong mga lider at pwersa na naugnayan sa kampanyang elektoral upang masimulan ang kanilang pampulitikang pagkamulat. Bigyan ng pansin ang pagdalo ng mga kabataan at bigyan sila ng papel sa pagkilos. Maging daluyan ng pampulitikang konsolidasyon ng ating hanay ang pagkilos sa Labor Day bukod sa pampulitikang ahitasyon sa malawak na masa.

 

P200 dagdag sahod, sagot sa gutom at hirap!

Murang presyo, Regular na trabaho, Serbisyo publiko, ipaglaban!

Agenda ng manggagawa, ipanalo!

 

Partido Manggagawa


No comments: