Walang mali at kulang sa panukalang PAP bill. Ang mali ay
ang luma at tradisyunal na kaisipan na ang sex education ay nakakasira ng
kaisipan ng kabataan.
Ang sinisira ng problema at teenage pregnancy ay ang buhay
at kinabukasan ng mga batang ina. Para maiwasan ito, responsibilidad ng estado
at maging ng mga pamilya na buksan ang isipan ng mga kabataan sa wasto at
tamang gawin sa kanilang sekswalidad, hindi ang maghasik ng pangamba na ang sex
education ay isang karumaldumal na bagay.
Ang Teenage Pregnancy Prevention (TPP) Bill ay isang
mahalagang hakbang upang tugunan ang patuloy at kritikal na isyu ng maagang
pagbubuntis at ang kaugnay nitong karahasang nakabatay sa kasarian. Nararapat
lamang na linawin ang ilang maling paniniwala ukol sa panukalang batas na ito:
1.
Hindi tinuturuan o hinihikayat ng TPP Bill ang kabataan na gumawa ng sekswal na
gawain, lalong lalo na ang masturbation. Ang Comprehensive Sexuality Education
(CSE) ay hindi tungkol sa panghihikayat sa kabataan na makipagtalik,
kundi pagbibigay ito ng tamang kaalaman ukol sa kanilang katawan, tamang
pagpapasya, at ligtas na pakikipagtalik.
2.
Ang CSE ay hindi hango sa European standards. Ito ay naayon sa mga values,
kultura, at konteksto ng lipunang Pilipino upang masiguro na ang mga kabataan
ay makakakuha ng wastong impormasyon base sa kanilang edad at kultura.
3.
Ang sex education ay hindi naghihikayat ng promiscuity o kalaswaan. Sa halip,
tinutulungan nito ang kabataan na magkaroon ng sapat na kaalaman upang gumawa
ng tamang desisyon at maprotektahan ang kanilang sarili mula sa karahasang
sekswal at mapang-abusong relasyon.
4.
Hindi inaalis ng TPP Bill ang tungkulin ng mga magulang sa paggabay sa kanilang
mga anak. Kinikilala sa TPP Bill ang karapatan ng mga magulang na gabayan ang
kanilang anak sa usaping sexual health at reproductive health.
Isa rin sa pangunahing layunin ng TPP Bill ay suportahan ang
mga batang ina at ama. Kabilang dito ang pagbibigay ng akses sa home-based
schooling, tamang impormasyon sa paggamit ng contraceptives/akses sa
contraceptives, at counseling. Sa pamamagitan nito, matutulungan silang harapin
ang diskriminasyong nararanasan sa paaralan, sa media, at sa ating healthcare
system. Binibigyan nito ng pagkakataong makabangon muli ang mga kabataang
biktima ng rape, ng pang-aabuso.
Higit sa lahat, ang maagang pagbubuntis sa Pilipinas ay
hindi lamang usaping personal o pampamilya—ito ay isang suliraning panlipunan
na dulot ng kahirapan, karahasang nakabatay sa kasarian, at kakulangan sa
tamang edukasyon at mga serbisyo. Kinikilala ng TPP Bill ang halaga ng
pagkakaroon ng tamang impormasyon at serbisyo ukol sekswalidad at kasarian ng
kabataan. Ito ay isang karapatan na nararapat na natatamasa ng kabataan upang
proteksyunan sila laban sa sexual abuse at mapang-abusong relasyon.
Kaya’t nananawagan kami sa Senado at kay President Marcos na
ipasa ang TPP Bill at agarang tugunan ang isyu ng maagang pagbubuntis at
karahasang nakabatay sa kasarian. Puntuhin ang mga probisyon sa bill na hindi
malinaw — maging patas sa mga bata, mga babae, at kabataan na nangangailangan
ng bill na ito para sa kanilang kinabukasan.
At bilang isang lipunan, kasama na ng ating gobyerno,
responsibilidad natin pangalagaan ang ating kabataan anuman ang kanilang edad
at kasarian.
Ang Partido Manggagawa, kasama ang mga kasapi naming nanay
at kabataang babae, ay tutungo sa Senado sa January 28 para sa panawagang ito.
Ipapahayag ang aming paninindigan sa kawastuhan ng Teen Pregnancy Bill at pagsuporta sa aming Kampeon na si Senator Risa Hontiveros.
Livestream of Defend CSE Movement today:
https://www.facebook.com/CRNPhilippines/videos/1159546235887049/
Press Statement
January 24, 2025
No comments:
Post a Comment