Tuesday, January 14, 2025

1% dagdag sa SSS premium suspendihin o sagutin ng pamahalaan



Nanawagan ang Partido Manggagawa (PM) sa pamunuan ng Social Security System (SSS) at sa Palasyo ng MalacaƱang na suspendihin ang pagpapatupad sa 1% na pagtaas sa premium contribution sa harap ng kabiguan ng pamahalaan na tugunan ang kahilingan ng manggagawa para sa P150 na dagdag sahod, gayundin sa resulta ng surbey na nagsasabing 63% ng mga Pilipino ang nakakaramdam ng higit pang paghihirap sa kasulukuyan.

 

“Premyo sa produktibidad, hindi dagdag premium sa SSS ang dapat ipataw sa manggagawa”, sigaw ng mga kasapi ng PM sa ginanap na piket ngayong umaga sa tanggapan ng SSS kasama ng Nagkaisa Labor Coalition.

 

Sa halip na dagdag kita ay pawang kaltas sa sahod umano ang napapala ng manggagawa.

 

Ayon kay Renato Magtubo, Pangulo ng PM, kabawasan sa take-home pay ang 1% dagdag premium sa SSS habang papataas ang implasyon at ang wage orders naman na iniutos ng mga regional wage board ay di pa nangalahating maibalik ang nawalang halaga ng sahod sa nakalipas na taon.

 

Inilahad din ni Magtubo na may halos P90 bilyon, ayon sa COA, na hindi nakokolektang kontribusyon ang SSS sa libu-libong pasaway na employers na di hamak na mas malaki sa inaasahang koleksyon na P51B mula dito sa dagdag premium.

 

“Suspensyon o kaya ay sagutin ng gobyerno ang kontribusyon ng manggagawa sa SSS,” deklarasyon ni Magtubo.

 

Nagpoprotesta ang mga grupo dahil habang ang layunin anila ng SSS ay pahabain ang lifespan ng pondo nito sa pamamagitan ng dadag sa premium, ang nababawasan naman ay ang hindi tumataas na sweldo ng manggagawa habang ang mga benepisyo, katulad ng sa Philhealth, ay nananatiling minimal. 

PRESS RELEASE

14 January 2025

No comments: