MAYNILA — Sa kabila ng makapal na presensya ng pulis at paghihigpit sa karapatang magprotesta habang nagbubukas ang 49th ASEAN Summit, nagsagawa ng flash mob ngayong umaga ang Partido Manggagawa Kabataan (PM Kabataan) at Tara Kabataan sa San Andres, Manila para tutulan ang Pax Silica at ang pagdating ni US President Donald Trump.
Bitbit ang banner na "Reject US Imperialism,
Reject Pax Silica, Trump Out Now," iginiit ng mga kabataan na sa harap ng
summit ay pinagtatakpan ng administrasyong Marcos ang kahirapan sa halip na
lutasin ito.
"Aanhin natin ang mga magarbong dekorasyon kung
patuloy na tumataas ang bilihin at wala tayong makain? Aanhin ang mga
'investment' kung patuloy lang na ninanakaw ang kaban ng bayan?" ani
Jeriel Francia, Secretary General ng Partido Manggagawa Kabataan.
Ayon sa grupo, ang mga totoong isyu ng mamamayan, gaya
ng mababang sahod, mataas na bilihin at katiwalian, ay hindi pinag-uusapan sa
summit. Sa halip, itinutulak ng gobyerno ang Pax Silica, ang tech at critical
minerals alliance ng US na sinalihan ng Pilipinas noong Abril. Nakatakdang
itayo ang economic security zone nito sa humigit-kumulang 1,600 ektarya sa New
Clark City, Tarlac.
Ngunit tinuligsa ito ng grupo na aanhin ang
'development' kung mababa pa rin ang sahod, madi-displace ang mga katutubo, at
pagkakakitaan lang ang mga Pilipino ng mga dambuhalang tech companies at ng mga
dayuhan. Dagdag ng grupo ang pangangailangan ng industriya ng bansa para sa
mamamayan, kaunlaran para sa masa.
Kinondena rin ng grupo ang sunud-sunod na pag-aresto,
pati ang panghaharass ng pulis at iba pang pwersa ng estado sa mga mamamayan,
manggagawa, kabataan at katutubo na tumututol sa mga di-makataong polisiya.
Binatikos ang mainit na pagsalubong ng Malacañang kay
Trump. Ito ang unang pagbisita niya sa bansa mula 2017. "Marunong mahiya
ang pamahalaang ito, pero hindi para sa sarili niyang mga tao. Si Trump ang
mukha ng imperyalismong US na nagpapataas sa presyo ng langis at nagpapahirap
sa mga manggagawa sa buong mundo," ani ng PMK.
"Walang mangyayaring pagbabago kung hindi tayo
tututol at magsasalita. Taas-kamao kaming nakikiisa sa mga kabataan at
manggagawang patuloy na lumalaban. Reject Pax Silica! Trump Out! Solusyunan ang
kahirapan, huwag pagtakpan!" pagtatapos ng grupo.
PM KABATAAN
PRESS RELEASE
16 Nobyembre 2026
No comments:
Post a Comment