Monday, December 30, 2024

Pagpupugay ng Partido Manggagawa kay Ka Dodong




Nagbibigay-pugay ang Partido Manggagawa kay Ka Dodong Nemenzo habang nakikiramay sa kanyang mga naiwang mahal sa buhay--si Princess at kanyang mga anak at kapatid.

 

Sa pagpanaw ni Ka Dodong ay parang nawalan ng isang tatay ang progresibong kilusan sa Pilipinas. Walang dudang isa syang father figure para sa maraming grupong pampulitika, Mga grupong madalas nagbabangayan tulad minsan ng mga magkakapatid. Pero kumporme sa sitwasyon naman ay nagkakaisa din. At sa mga pagkakataong yun ay malamang nasa gitna si Ka Dodong.

 

Ayon sa nasusulat, inamin ni Ka Dodong sa UP Board of Regents na sya ay isang komunista--pero bilang indibidwal na paniniwala hindi bilang kasapi ng isang Partido. Sa kasong ito, ang isang kahinaan ay naging isang kalakasan. Ang natatanging papel na ginampanan si Ka Dodong ay bilang kinikilalang lider na pinagkakatiwalaan at pinakikinggan ng iba’t ibang mga grupo.

 

Sa papel na iyan nakaugnayan ng PM si Ka Dodong. Pinakamatingkad ito noong naging susing lider si Ka Dodong sa pagbubuo ng Laban ng Masa sa yugto ng pakikibaka para ibagsak ang rehimeng Gloria Arroyo. Bukod sa pagbibigkis ng iba’t ibang militanteng grupo ay natahi ni Ka Dodong maging ang mga rebeldeng sundalo noong panahong iyon. Bilang lider ng Laban ng Masa ay kalahok si Ka Dodong di lang sa pagbabalangkas ng mga taktika at plano kundi kakapit-bisig sa mismong mga protesta at pagkilos sa kalsada.

 

Bukod sa matalas ang kanyang isipan ay malakas pa ang kanyang pangangatawan noon. Para sa mga lider at kasapi ng PM na nakaupang-palad ni Ka Dodong noong panahong iyon, ay buhay na buhay ang pagiging scholar-activist niya.

 

Ito rin ang dahilan kung bakit, bago pa man pormal na maitayo ang PM, naging masugid na ka-diskusyon ni Popoy Lagman si Ka Dodong. Noong panahon ng isplit sa CPP noong 1990’s ay isa si Ka Dodong sa mga hiningan ng opinyon at katalakayan ni Popoy sa pagsusumikap na dalisayin ang teorya at praktika ng pagrerebolusyon sa ating bansa. Sigurado isa sa mga napag-usapan nila ay ang karanasan ng PKP sa pagbubuo ng isang elektoral na partido ng manggagawa. Kalaunan ay pangungunahan ni Popoy ang pagtatatag ng PM bilang kaganapan ng ideyang ito.

 

Nakakalungkot na wala na sila pareho. Pinaslang si Popoy ng mga kaaway ng manggagawa. Si Ka Dodong naman ay ginapi ng matinding sakit.

 

Malaking kawalan na mula noong 2016 na nagkasakit si Ka Dodong ay di na sya kasing-aktibo. Ganunpaman nakakasalamuha pa rin namin sya pana-panahon sa mga talakayan laluna’t nananatili namang malinaw ang kanyang kaisipan at punong-puno pa rin sya ng mga ideya ukol sa pagsusulong ng pakikibaka para sa pagbabago. Hanggang nitong nakabalik ang isang Marcos sa Malacanang ay kasa-kasama pa natin si Ka Dodong sa mga pagpupulong. Kahit na naka-wheelchair at hirap ang pangangatawan ay matalas pa din ang kanyang pagsusuri sa mga bagay-bagay.

 

Pumanaw man si Ka Dodong ay hindi na nabubura ang kanyang ambag sa pagsusulong ng progresibong kilusan sa Pilipinas. Para sa mga anak-anakang naiwan ng isang father-figure ng progresibong kilusan, isang karangalan at responsibilidad na ipagpatuloy ang kanyang nasimulan. Nasa balikat natingipagpatuloy at ipagwagi ang kilusan para sa pagbabago.

 

Mabuhay ang alala ni Ka Dodong! Tuloy ang laban!   

No comments: