Sunday, March 5, 2023

Photo from CNN Philippines

 

Pakikiisa sa laban kontra jeepney phaseout

 

Ang nakaambang jeepney phaseout batay sa tinatawag na PUV modernization ay mauuwi sa pagkawala ng hanapbuhay ng daang libong operators at drivers. Ang planong palitan ito ng modern jeepneys sa pamamahala ng mga korporasyon ay magreresulta naman sa mas mataas na pasahe. Ito ay magpapatindi sa kahirapan ng mga Pilipino sa gitna ng hirap ng buhay na dulot walang-tigil na pagtaas ng presyo ng bilihin.

 

Nakikiisa ang Partido Manggagawa sa laban ng mga kapatid na jeepney operator at driver. Sumusuporta ang PM sa nakatakdang welga na panawagan ng grupong Manibela. Nananawagan ang PM sa kasapian nito at sa mamamayang Pilipino na makikiisa labang ito.

 

Totoong may epekto ang welga sa normal na takbo ng ating buhay. Pero ito ay maliit na sakripisyo kapalit ng pananatili ng murang pasahe, at pagpapatuloy ng kabuhayan ng mga kapatid na jeepney operator at driver.

 

Alalahanin natin kung paanong nagtaasan ang singil sa tubig at kuryente matapos ang privatization at sagpangin ng mga korporasyon ang public utilities. Ganito din ang mangyayari kapag napunta sa kamay ng mga korporasyon ang mga linya at prangkisa ng mga ruta sa kalsada.

 

Walang dudang ang kasalukuyang PUV modernization ay mangangahulugan ng malawakang phaseout. Ang presyo ng modern jeeps ay lagpas P2 milyon kaya’t di kayang bayaran ng abang operators laluna’t ang pangakong government subsidy ay nasa P160,000 lang.

 

Naninindigan ang PM na dapat itransisyon ang traditional jeepneys upang mabawasan ang polusyon habang inililinaw na mga pribadong sasakyan ang hamak na mas matindi ang carbon emissions. Ang transisyon ay kailangang mauwi sa mas maalwang buhay para sa jeepney operators at drivers sa halip na kawalan ng hanapbuhay. Ang jeepney cooperatives ay tamang alternatiba sa corporations pero nangangailangan ito ng sapat na panahon at suporta. At kailangang pakinggan at dinggin ang hiling at hinaing ng jeepney operators at drivers sa isang negosasyon. Ito ang tinatawag na just transition sa gitna ng pag-aangkop sa climate change.

 

Subalit hindi mangyari ang ganitong negosasyon para sa just transition sapagkat iginiit ng gobyerno na tuloy ang PUV modernization habang inuusog ang deadline ng phaseout. Kaya tama na labanan ng jeepney strike ang pagmamatigas na ito ng gobyerno.

 

Ang laban kontra jeepney phaseout ay laban ng lahat!

Ipaglaban ang murang pasahe at kabuhayan ng jeepney operators at drivers!

 

Partido Manggagawa

No comments: