Thursday, January 21, 2021

Palengke challenge: Mga kongresista, hinamon ng PM na sa palengke isayaw ang chacha

 

Sa halip na sa sila-sila at sa nakatagong silid ng Kamara de Representantes ginagawa ang pagdinig sa planong charter change (chacha), hinamon ngayon ng Partido Manggagawa (PM) na sa mga palengke ito isayaw ng mga kongresista.

 

“Seryoso ang hamon na ito para makita natin kung sasabay sa indak ng chacha ang masang Pinoy na ngayon ay hindi makaagapay sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin,” pahayag ng Tagapangulo ng PM na si Ka Rene Magtubo.

 

Ang bagong “palengke challenge” ay inilabas ng Partido Manggagawa bilang tugon sa pagbuhay ng planong chacha sa Kamara at sa harap ng labis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, partikular ng pagkain.

 

“Kung sa Kamara ay chacha ang napiling libangan mga kongresman sa panahon ng pandemya, sa mga pelengke ay karera sa presyo ang hinahabol ng masa,” ani Magtubo.

 

Sinabi pa ni Magtubo na isa ring halal na konsehal ngayon ng Marikina, nakikita ngayon sa mga palengke ang malaking galawan ng presyo. Kumpirmado rin umano ito sa price monitoring report ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan makikita ang presyo ng ilang gulay at karne na tumaas mula 50% hanggang 275% kung ikukumpara sa presyo ng mga ito noong nakaraang Enero bago magkaroon ng pandemya.

 

“Paano na ang mga walang trabaho? Katumbas na ng 7 oras na trabaho ang 1 kilong baboy dito sa NCR. Sa real minimum wage na P434/day ngayon ay kailangan ng 3 oras na kayod ng manggagawa para makabili lamang ng 1 kilong repolyo, ampalaya, talong, o sitaw.  Ang kilo ng galunggong ay kalahati na ng sweldo, habang sa labas nga ng NCR ay mataas pa ang presyo ng baboy sa minimum wage,” dagdag pa ni Magtubo.

 

Ipinaliwanag ng PM na halos 50% ng gastusin ng isang pamilya ay napupunta lamang sa pagkain kung kaya’t inaasahan na mataas na presyo ay tataas din ang hunger incidence sa bansa kasabay ng problema sa pandemya at ekonomiya.

 

Sa halip aniya na chacha ay ayuda sa manggagawa at suporta sa magsasaka sa produksyon nila ng pagkain ang inaatupag ng gubyerno lalo na’t ang bakuna sa covid kahit magkaroon nito ay hindi magpapamanhid sa kalam ng sikmura ng mga Pilipino.

 

Ayon pa sa PM, “hindi lang wala sa panahon kundi wala rin sa katwiran” kung ititulak ang chacha ng mga pusher nito mula sa Palasyo at Kongreso habang namamatay at namumulubi ang manggagawa sa krisis na dala ng pandemya.


21 Enero 2021

No comments: