Monday, July 27, 2020

Pahayag ng PM-Kabataan sa SONA 2020 ni Duterte



Walang duda na si Duterte ang numero unong pasaway at aminadong inutil kaya lumalala ang covid cases, lumulubog ang ekonomiya at humihirap ang buhay ng masa, kasama na ang mga kabataan.

Sa kanyang SONA, inamin ni Duterte na inutil siya. Inutil daw siya sa pagtatanggol ng soberanya ng bansa laban sa panghihimasok ng China. Ang totoo, inutil siya sa paglutas sa mga problema ng bansa.

Binanggit niya na tumataas ang presyo ng mga bilihin, nawalan ng trabaho’t hanapbuhay ang mga tao. Pero wala siyang inihain na solusyon. Wala siyang inilatag na plano. Basta maniwala na lang na may gagawin ang gobyerno!

Apat na taon na mula nang ipangako niyang wawakasan ang endo. Pandemya pa din ang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa. Apat na tao na mula nang ipangako niyang tatapusin ang provincial wages. Pandemya pa din ang barat na sweldo ng mga manggagawa. Apat na taon na mula nang ipangako niyang susugpuin ang korapsyon. Pandemya pa din ang mga nakawan sa gobyerno at ni-rerecycle lang ang mga Duterte appointees na nabulgar sa anomalya.

Apat na taon nang binigo ni Duterte ang kanyang mga pangako. Di na pwedeng mangako lang uli siya na malulutas ang kahirapan sa huling dalawang taon ng kanyang termino!

Isa lang ang tinotoo ni Duterte sa kanyang mga pangako—ang dumanak ang dugo sa war on drugs. Sa apat na taon ay lagpas 10,000 mahihirap ang pinatay dahil daw nanlaban.

Sa huling dalawang taon, dadanak pa uli ang dugo. Gusto ni Duterte na ibalik ang death penalty. Pero kahit walang batas sa death penalty, dumadami ang namamatay dahil sa covid. At namimiligrong mamatay sa gutom ang mas marami.

Sa huling dalawang taon, walang magbabago. Ang fairy tale sa isipan ni Duterte ay ang salot ng droga na sumisira sa pamilyang Pilipino kaya’t ang solusyon ay kamay na bakal laban sa mga kriminal. Hindi niya makita ang nagdudumilat na katotohanan na kahirapan ang totoong problema ng bansa.

Ang solusyon sa kahirapan ay hindi war on drugs kundi gera laban sa oligarchs—sa mga malalaking kapitalista na may kontrol ng industriya, sa malalaking asendero na nagmamay-ari ng mga lupain at dayuhang kapitalista na bumabansot sa lokal na ekonomiya. Pero naaalala lang ni Duterteng banatan ang oligarchs kapag may gagantihan siya at may ipapalit siya na crony.

Sabi ni Duterte sa gitna nang kanyang SONA, di daw nya naiintindihan ang binabasa nya. Ano pa bang resibo ang kailangan natin para ipakitang ang pasaway na presidente—at ang bulok na sistema—ang dahilan ng paghihirap na dinaranas ng mga kabataan at manggagawa!

27 July 2020

No comments: